SA gitna ng kontrobersiya bunsod ng pagkakapuslit sa Bureau of Customs (BoC) ng P6.8 bilyong shabu na nakasilid umano sa apat na magnetic lifters, ginulat ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang sambayanang Pilipino nang kanyang ihayag na nais na niyang bumaba sa puwesto.
Pagod na pagod na raw ang ating Presidente sa laganap na kurapsiyon at hindi masugpong illegal drugs, bagamat libu-libo na ang napatay na drug pushers at users ng mga pulis at vigilantes. Sundot ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko at pilosopo pa: “Boladas lang ‘yan. Pag nakapag-isip na ‘yan, babawiin ang mga sinabi. Isipin mo, gusto niyang ang pumalit sa kanya ay isang military junta o dili kaya ay ang tulad nina Bongbong at Chiz dahil ayaw niya kay VP Leni. Hindi ba siya nagbabasa ng Constitution?”
Tugon ko: “Kwidaw ka lang kaibigan. Pagod na ang ating Pangulo. Baka nasabi niya ito dahil sa frustration sa patuloy na kurapsiyon sa gobyerno at patuloy na paglaganap ng illegal drugs na nais niyang sugpuin. Bigyan natin ng benefit of the doubt si Mano Digong.”
Noong Sabado, ganito ang banner story ng isang English broadsheet: “Duterte: Resignation just an afterthought.” Ang “afterthought” kung susuriin natin sa Tagalog ay parang “sumagi lang sa isip” o “biglang naisip lang niya.” Samakatuwid, inamin ni PRRD na nabigla lang siya at sinabing ang kanyang plano na bumaba sa puwesto ay isa lang “afterthought” o sumagi lang sa kanyang isipan bunsod ng pagkadismaya at frustration sa patuloy na salot ng bawal na droga at katiwalian.
“I was frustrated. But remember that I was addressing myself to the military and police and nobody else. What you heard was an afterthought actually,” badya ni Mano Digong. Tumpak ka kaibigan, babaguhin uli niya ang kanyang mga sinabi.
Sa Hugpong ng Pagbabago (HNP) na itinatag ng kanyang anak na si Mayor Inday Sara, binanggit niyang halimbawa ang anomalya ng ilang military officials sa pagbili ng mga gamot at kagamitan sa V. Luna Medical Center. Ulitin natin: Bumilib ang mga tao noong kampanya na susugpuin niya ang illegal drugs sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan at kung hindi, bababa siya sa puwesto at ibibigay ito sa Bise Presidente. Eh, si Leni Robredo ang naging Vice President. Eh, bakit ayaw niya ngayong ibigay ito kay beautiful Leni sakaling siya ay mag-resign?
Ulitin uli natin: Sa kampanya noon, sinabi niya na tatabasin ang kurapsiyon sa gobyerno, itatapon sa dagat ang mga bangkay ng tiwali upang tumaba ang mga isda. Bilib ang mga tao. Pero ngayong dalawang taon na siya sa trono, aminado siyang patuloy ang kurapsiyon at illegal drugs.
Para sa mga mamamayan, nais nilang tapusin ni PDu30 ang kanyang termino upang matupad ang mga pangakong pagbabago. Siya lang ang Pangulo na tandisang lumaban sa illegal drugs. Siya lang ang Presidente na tahasang kumalaban sa kurapsiyon sa gobyerno. Mabuhay ka Pangulong Rody, ituloy mo ang iyong laban para sa bayan
-Bert de Guzman