SA loob ng 36 na oras, isinara ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa airline traffic nitong Huwebes at Biyernes. Nasa mahigit 165 international at local flights ang kinansela at libu-libong pasahero ang nagsiksikan sa mga terminal ng paliparan sa loob ng ilang oras na walang mapuntahan, samahan pa ng mga airlines at paliparan na malinaw na hindi handa sa ganitong biglaang insidente.
Ang dahilan ng lahat ng ito ay ang Xiamen Air flight na sumadsad sa runway dahil sa malakas na pag-ulan bago maghatinggabi ng Huwebes. Natanggal ang kaliwang makina ng eroplano at napunta sa madamong bahagi na katabi ng kongretong runway. Ligtas ang 157 pasahero at walong crew, ngunit natigil ang paggamit ng nag-iisang pangunahing runway ng NAIA. Nagtakda ang Civil Aviation Authority of the Philippines ng imbestigasyon upang matukoy kung force majeure o pilot error ang dahilan ng insidente. Kapwa gusto rin malaman ng Senado at Kamara kung bakit natagalan bago naibalik ang operasyon ng paliparan.
Muling naalala dahil sa insidente ang mga katanungang matagal nang ipinupukol sa NAIA at sa mga terminal nito. Kabilang ang NAIA sa listahan ng ‘world’s worst terminal’ dahil hindi na sumasapat ang mga pasilidad nito, palikuran at ang mga waiting halls sa dumaraming bilang ng mga pasahero. Ang insidente nitong Huwebes ng gabi ang dahilan ng pagdoble ng bilang ng mga pasahero na nagresulta sa gulo.
Bumuhay din ang insidenteng ito sa mga katanungan hinggil sa planong pagsasaayos ng Clark sa Pampanga bilang alternatibong daan papasok ng bansa. Matapos ang ilang taong kawalan ng desisyon, nagdesisyon ang pamahalaan nitong Disyembre, 2017 na umpisan ang konstruksiyon ng bagong terminal sa Clark, kasama ng isang sistema ng expressways na magdudugtong sa Metro Manila. Gamit ang dalawang malawak na runway na itinayo ng US Air Force para sa mga bombers at fighters noong World War II at nang kalaunan ay ginamit sa naging kaguluhan sa Korea at Vietnam, magiging madali lamang para sa Clark na hawakan ang mga flight na hindi kayang tanggapin ng NAIA.
Ang nangyaring insidente ng eroplano ng Xiamen sa NAIA ay dapat na tumapik sa pamahalaan upang simulan na ang plano para sa Clark at sa susuportang sistema ng expressways, hindi lamang sa Metro Manila ngunit gayundin sa Hilagang bahagi ng Luzon ar silangan sa probinsya ng Aurora. “We really have to build up Clark so that it can easily accommodate graeter numbers of international as well as domestic flights,” giit ni Makati rep. Luis Campos, Jr.
Mayroon nang dalawang pangunahing runway ang Clark—kumpara sa isa ng NAIA. Mayroon itong Instrument Landing System na nagbibigay ng kakayanang tumanggap ng mga flights kahit pa lampas na ng 6:00 ng hapon. Nakapaglaan na ang Department of Transportation ng P2.74 bilyong pondo para sa higit na pagpapaganda ng mga pasilidad nito. Ang bagong expressway sa Clark mula hilaga at silangan, na kasama ng pagtatayo ng expressways mula timog at kanluran, ay gugugol ng kabuuang P1 trilyon, ayon kay Finance Secretary Carlos Domiquez III noong Disyembre 2017, nang unang ianunsyo ang malawakang plano para sa Clark.
Matapos ang insidente ng Xiamen airline nitong nakaraang linggo na nagpahinto ng operasyon ng NAIA sa loob ng 36 na oras, sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na dapat ay magsilbing “eye opener” ang insidentengito para sa mga awtoridad ng paliparan. Para sa mga opisyal ng NAIA, nangangahulugan ito ng pagsasaayos at pagpapaganda ng mga pasilidad ng paliparan—runway at mga terminal.
Higit na mahalaga, nararapat na maging “eye opener” ang insidente sa pamahalaan upang simulan na ang plano para sa Clark, kasama ang sistema ng expressways, dahil tunay na hindi na kinakaya ng NAIA ang pangangailangan ng malalaking airline sa buong mundo.