NAGSAMPA na si Solicitor General Calida ng petisyon para ibasura ang imbitasyon sa kanya ni Sen. Antonio Trillanes IV para humarap sa pagdinig ng Senate Civil Service Committee hinggil sa security agency na pag-aari ng kanyang pamilya.
Ang Vigilant Investigative and Security Agency, Inc., batay sa record ng Securities and Exchange Commission ay may shares of stocks na ang 60 porsiyento nito ay nasa pangalan ni SolGen Calida, at ang natitira ay nahahati sa mga miyembro ng kanyang pamilya.
Sa bisa ng Senate Resolution No. 760 na inihain nina minority Senators Trillanes, Franklin Drilon, Risa Hontiveros, Bam Aquino, Francis Pangilinan at Leila de Lima, nais imbestigahan ng Senate Civil Service Committee, na ang chairman ay si Sen. Trillanes, ang mga transaksiyon sa gobyerno ng Vigilant Agency. Ang Vigilant ang nakakuha ng 10 kontrata sa gobyerno na nagkakahalaga ng P150 milyon, kabilang na ang dalawang kontrata sa Department of Justice (DoJ). Attached agency ng DoJ ang opisina ni Calida na Office of the Solicitor General, na tumatayong abogado ng gobyerno.
Sa kanyang petisyon, sinabi ni SolGen Calida na inisyu ni Trillanes ang imbitasyon sa kanyang sariling kapasidad. Hindi, aniya, ito pinahintulutan ng Senado o ng anumang Komite nito. Wala raw itong layunin. Bilang reaksiyon, pinaalalahanan ni Trillanes si Calida na hindi ito “sacred cow”. Hindi raw ito ligtas sa anumang legislative investigation.
Sinusubok na naman ni Calida ang kanyang impluwensiya sa Korte Suprema, o sa pinakawastong salita, ang ‘tila impluwensiya ni Pangulong Digong sa Korte.
Naipakita na ito sa quo warranto petition na nagpatalsik kay Chief Justice Lourdes Sereno, na ang lubusang naghangad daw na matanggal ito sa puwesto ay walang iba kundi ang Pangulo.
Hindi ko alam kung paano ipalulusot na naman ng Korte ang kaso na pabor kay Calida nang hindi garapalan. Ang ginawa nito kay Sereno ay nag-iwan ng maitim na marka sa kasaysayan ng hudikatura at sistema ng katurungan. Lahat ng paglabag sa mga prinsipyong nakagisnan at iginalang sa napakatagal na panahon ng disente, marangal at sibilisadong lipunan ay naganap. Binihisan kasi ng palamuting legal ang inggit, galit at kasakiman ng tao.
Ang nais ni SolGen Calida ay pakialaman ng Korte Suprema ang ginawa sa kanya ng Senado. Nais niyang pigilin ng Korte ang gagawing imbestigasyon ng Senate Committee on Civil Service hinggil sa mga kontratang pinasok ng gobyerno sa kumpanyang pag-aari ng kanyang pamilya.
Bilang abogado ng gobyerno, wala bang mali para imbestigahan ang ginawa mong transaksiyon sa iyong kliyente? Wala ka bang ginamit na impluwensiya upang masarili at pakinabangan mo ang pangangailangan ng iyong kliyente?
Bagamat kliyente ni Calida ang gobyerno, ito naman ay instrumento ng taumbayan at binubuhay nila ito para sa kanilang kapakanan. Kaya,kung lumalabas na ginagatasan ni Calida ang gobyerno, ibig kayang sabihin ay ginagatasan niya ang mamamayan?
Mabigat ang gagawin ng Korte kung sasang-ayunan nito si Calida sa gusto niyang mangyari na pigilin ang Senado na imbestigahan siya at pababayaan na lang niyang gawin ito sa mamamayan.
-Ric Valmonte