NAKIKIISA tayo sa panawagan ng mga mamamahayag sa Amerika, na inihayag sa editoryal ng mga pahayagan sa buong bansa, na kumokondena sa mga pag-atake ni Pangulong Donald trump sa “fake news” at sa pagtawag nito sa mga mamamahayag na “enemy of the people.” Kapwa mayroong magkatulad na probisyon ang Konstitusyon ng Pilipinas at Amerika na nagsasaad na walang batas ang maaaring ipasa na “abridging freedom of speech or the press.”
Gayunman, kasabay nito, nais nating kilalanin ang pangulo ng Amerika sa hindi paggawa ng anumang aktuwal na hakbang upang pigilan ang kahit anong pahayagan sa paglabas ng mga balita at opinyon. Ito ang ating dinanas sa ilalim ng batas militar simula noong 1972, nang ipasara ang mga pangunahing pahayagan sa Pilipinas.
Matagal nang binabatikos ni Pangulong Trump ang American press, sa pagsasabing karamihan ng mga balita nito ay peke o walang katotohanan kung hindi ito pumapabor sa kanya o sa kanyang mga aksiyon at polisiya. Higit ang pagbatikos nito sa New York Times at Washington post, ang dalawang pinaka respetadong pahayagan sa Amerika. Isang beses noong 2017, nag-tweet si Trump ng “the fake news media” - at pinangalanan nito ang nangungunang television news network ng bansa – “is the enemy of the American people.”
Nito lamang Huwebes, inanyayahan ng Boston Globe ang mga pahayagan sa buong bansa upang tumindig para sa pamamahayag kung saan mahigit 350 news organization ang nangako ng pakikiisa, kasama ang The Guardian ng London.
Sa editoryal na paglulunsad ng kampanya, sinabi ng Boston Globe na, “The greatness of America is dependent on the role of a free press to speak the truth to the powerful.” Hiniling naman ng Radio Television Digital News Association na kumakatawan sa mahigit 1,200 broadcaster at website, sa mga miyembro nito na ihayag na ginagawa ng mga mamamahayag ang importanteng tungkulin upang panagutin ang pamahalaan.
Ang sentro ng lahat ng mga kontrobersiyang ito ay ang pagkilala sa kalayaang magpahayag, ang iulat ang nakikitang mahalaga, ang isatinig ang opinyon sa isang malayang lipunan. Maging si Pangulong Trump ay protektado ng pangunahing karapatang ito sa lahat ng kanyang mga tweet, sa lahat ng kanyang mga hindi nakasanayang pagpapahayag ng sariling opinyon na minsan ay direktang tumutukoy sa isang bansa at sa mga pinuno nito, at ang hindi niya pagtanggap sa lahat ng mga hindi kaaya-ayang balita na itinuturing niyang “fake news.”
Tulad ng una nang iginiit, nakikiisa tayo sa pagkilala sa malayang pamamahayag. Isa ito sa mga mabuting resulta ng 50 taong karanasan natin sa pamamahala ng US, kasunod ng 350 taon sa ilalim ng Espanya. Maliban sa mga taong dinanas natin sa ilalim ng batas militar, naging malaya ang pamamahayag sa Pilipinas. At ang ating sariling lipunan at kultura—gayundin ang ating pamahalaan—ay naging mapagparaya sa magkakasalungat na opinyon, kumpiyansa na kalaunan mananaig pa rin ang katotohanan.