Kinumpirma kahapon ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Magtolis-Briones na sinimulan na ng kagawaran ang pormal na imbestigasyon laban sa mga opisyal ng eskuwelahan sa isang paaralan sa Bicol, na nag-utos na sunugin ang kagamitan ng mga estudyanteng sumuway sa “no-bag policy” ng paaralan, kamakailan.
Banggit nito, pinadalhan na ng DepEd ng liham ang school administrator na si Alexander James Jaucian, ng Bicol Central Academy sa Libmanan, Camarines Sur, nitong Sabado at hinihingian ng paliwanag hinggil sa insidente, na ang video ay nag-viral sa social media.
Hinikayat din ng kalihim ang naturang school administrator, na sinasabing nag-utos sa panununog sa mga bag ng mga estudyante, na magbakasyon o mag-leave of absence (LOA) muna, habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Maaari rin aniyang magtalaga muna ang paaralan ng bagong school administrator dahil posibleng ang presensiya pa lamang ng kasalukuyang administrador ay nagdudulot na ng takot sa mga estudyante at maging sa mga magulang.
Kung mapapatunayan aniyang guilty at may nilabag na mga panuntunan ay maaaring matanggalan ng permit to operate ang paaralan, at maaari rin namang tanggalan ng tulong pinansiyal ng pamahalaan.
Ang mga pribadong paaralan, aniya, na nag-aalok ng junior at senior high schools sa bansa ay tumatanggap ng financial assistance mula sa pamahalaan kada taon, at maaari itong tanggalin kung may sapat na basehan, ayon kay Briones.
Hinikayat rin naman niya ang mga magulang ng mga naapektuhang mga bata na maghain ng kaukulang kaso laban sa school officials na nag-utos ng panununog sa mga bag ng kanilang mga anak.
“On the part of the Department of Education, nag-umpisa na kami ng formal investigation. Even our law, whether you’re a child or an adult, talagang bawal naman ‘yung gagalawin mo ‘yung pag-aari ng ibang tao. So they can file on their own or as a group,” paliwanag pa ng kalihim.
-Mary Ann Santiago