SA kasaysayan ng ating bansa, ang ika-21 ng Agosto ay iniuukol sa paggunita sa kadakilaan ni dating Senador Ninoy Aquino. Ang paggunita ay nakaugnay sa ginawang pagpaslang sa kanya sa tarmac ng Manila International Airport (MIA) noong Agosto 21, 1983, ngayon ay Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na, bilang pagpupugay at parangal sa pinaslang na senador.
Ang ika-21 ng Agosto ng bawat taon ay pista opisyal, batay sa isinasaad ng Republic Act 9256, para gunitain ang kanyang
katapangan, kadakilaan at malaking kontribusyon sa kalayaan at demokrasya.
Agosto 21, 1983 nang dumating sa iniibig nating Pilipinas si Senador Ninoy Aquino upang pangunahan ang isang pagkilos para sa paglaya ng Pilipinas. Ngunit siya’y binaril at napatay sa tarmac ng MIA.
Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law noong Setyembre 21, 1972, isa si Senador Ninoy Aquino sa mga unang dinakip, tulad nina Senador Lorenzo Tanada, Jose W. Diokno at ang senador na taga-Rizal na si dating Senate President Jovito Salonga.
Nakulong si Senador Aquino nang pito at kalahating taon. Ipinalipat-lipat siya sa iba’t ibang kulungan ng kampo militar. Pinag-iisa sa kulungan. Tinakot na papatayin at tinangka pang lasunin. Ngunit ang mga nabanggit ay hindi nakasira sa tibay ng pagmamahal niya sa bayan. Nagsagawa siya ng may 40 araw na hindi pagkain bilang protesta o pagtutol sa kawalang katarungan ng paglilitis sa kanya ng militar. Noong 1978, pinangunahan niya ang oposisyon sa pagtakbo sa unang parliamentary election sa ilalim ng partido ng Lakas ng Bayan kahit na siya ay nakakulong.
Bago pinaslang si Senador Ninoy, nanirahan siya sa Boston, Massachusetts kasama ang kanyang pamilya matapos maoperahan sa puso. Pinayagan siyang magpagamot sa ibang bansa matapos ang dalawang beses na heart attack noong Marso 1980. Nasisiyahan na sana si Senador Ninoy Aquino sa kanyang pansamantalang kalayaan sa America Ngunit ikinalungkot niya ang mga nangyayari sa iniibig nating Pilipinas. Nadama niyang kailangan siya ng kanyang mga kababayan, kaya nagpasya siyang magbalik siya sa Pilipinas.
Pinakiusapan si Senador Ninoy ng mga nagmamahal sa kanya at ng iba pa nating kababayan na huwag nang magbalik sa Pilipinas, sapagkat may nakaambang kamatayan. Hindi iyon kinatakutan ni Senador Ninoy. Sinabi pa niya na “Matamis na mamatay para sa Pilipino”.
Nang dumating na sa MIA ang eroplano niyang sinakyan noong Agosto 21, 1983 ay sinabi pa ng matapang na senador: “I have returned to join ranks of those struggling to our rights and freedom through nonviolence. I seek no confrontation.”
At ang mga bala mula sa baril ng militar ang tumapos sa buhay ni Senador Ninoy sa tarmac ng Manila International Airport. Ang mga putok ng baril ay narinig sa buong daigdig. Nagbunsod ito ng matinding kalungkutan at galit ng mamamayan.
Ang malagim na pagpatay kay Senador Ninoy ay ibinintang kay Rolando Galman na isang fall guy. Ngunit iyon ay kinondena ng sambayanang Pilipino na nagmamahal sa pinaslang na senador. Ang mga militar na naging escort ni Senador Ninoy nang sunduin siya sa eroplano ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo. Ang iba sa kanila ay namatay ngunit walang nakapagsabi kung sino ang utak o may utos ng pagpaslang sa senador.
Sa libing noon ni Senador Ninoy, mahigit na dalawang milyon Pilipino ang naghatid sa kanyang huling hantungan sa Manila Memorial Park sa Parañaque City. Isang pambihirang libing na umabot ng sampung oras. Nagsimula ng 10:00 ng umaga sa Simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City at nagwakas ng 9:00 ng gabi sa Parañaque City.
Ang pagpalasng kay Senador Ninoy ang naging mitsa at nagtulak sa mga Pilipino na maglunsad ng People Power Revolution sa EDSA noong Pebrero 22-25, 1986 na nagpatalsik at nagpabagsak sa rehimen ng diktaduryang Marcos.
Ang naging kamatayan at kadakilaan ni Senador Ninoy Aquino ay nagpatunay ng nagliliyab na inspirsyon sa mga Pilipino na walang pinunong mapanupil ang hahayaan nilang sumikil sa kanilang mga karapatan, lalo na sa demokrasya at kalayaan.
-Clemen Bautista