Nakatuon na ngayon ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa tinatawag na high value targets (HVTs) sa talamak na bentahan ng illegal drugs sa bansa.
Ito ang idinahilan ng pulisya sa pagbaba ng napapatay na suspek na drug pusher at user.
Paliwanag ni PNP chief Director Gen. Oscar Albayalde, umaabot na lamang sa 23 ang napapatay kada linggo mas mababa kumpara sa dating 105 bawat linggo.
Aniya, ang paglilipat ng kanilang operasyon ay bahagi lamang ng recalibrated drug war ng pulisya laban sa mga tinatawag na “key players” na isinusumbong sa tulong ng intelligence community.
“We calibrated our war on drugs because that is part of our focus, a focus on high value targets on our list,” ayon sa kanya.
Nasa 4,000 na aniyang suspected drug pushers at users ang napapaslang sa sunud-sunod na police operations mula nang ilunsad ang giyera kontra droga noonbg Hulyo 2016.
Aniya, mas marami ang napapatay ng suspected vigilante groups mula nang iutos ni Pangulong Duterte ang paglaban sa droga sa bansa.
“This is to deliver a strong message of the “certainty of punishment” to high value targets, their patrons and protectors and all those who provide criminal support systems that sustain the illegal drug trade,” paliwanag pa ni Albayalde.
-Aaron Recuenco