MATAPOS umapela si Pangulong Duterte sa China na kontrolin ang pag-uugali nito sa South China Sea—na tumutukoy sa naging pagbabanta nito sa isang Philippine military aircraft na lumipad at dumaan sa pinag-aagawang isla, natural at artipisyal—agad na tumugon ang China, na sinabing may karapatang itong magbigay ng banta sa mga dayuhang barko at eroplano na lumalapit sa kanilang mga isla.
Matagal nang pinanghahawakan ng Pangulo ang posisyon na habang nananatili tayong nakatindig para sa ating mga karapatan sa South China Sea, lalo na ang ating malayang karapatan sa mga yaman na nasa loob ng 370- kilometro Exclusive Economic Zone (EEZ) sa paligid ng ating mga isla sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), hindi tayo makikipagdigma sa China para sa ating pag-aangkin.
Hindi inasahan ang kanyang mga pahayag sa isyung ito nitong nakalipas na mga araw. Sinabi ito ng Pangulo matapos hamunin ang isang military plane ng Pilipinas at pagbantaan ng dumaan ito sa ibabaw ng man-made Chinese installation na malapit sa inaangking isla ng Pilipinas. Bilang reaksiyon sa nangyaring insidente, sinabi niya sa kanyang talumpati sa Malacañang na: “You cannot create an island... and then you claim that the air above the artificial island is yours. That is wrong because those waters are considered international sea and the right of innocent passage is guaranteed.”
Naging mabilis ang pagtugon ng China. Sinabi ng Chinese Foreign Ministry na ang Spratlys Islands ay minanang teritoryo ng China at may karapatan ito na gumawa ng hakbang upang tumugon sa mga dayuhang eroplano at barko na lumalapit sa mga isla nito. Sa katunayan ay inaangkin ng China ang halos buong bahagi ng South China Sea bilang malayang teritoryo nito. May sarili itong mapa na nagpapakita ng nine-dash line na umiikot sa paligid ng South China Sea at kabilang nga dito ang mga bahagi ng EEZ ng Pilipinas na nasa ilalim ng UNCLOS.
Hindi kinikilala ng Pilipinas at ng buong mundo ang inaangkin nine-dash ng kapangyarihan. Kaya naman regular na nagpapadala ang Estados Unidos at ibang mga bansa ng kanilang mga barko at eroplano sa bahaging ito, upang ihayag ang kalayaan sa paglalayag sa mga katubigan sa mundo. Isa sa mga araw na dumaan, sinabi ni Pangulong Duterte na, ilang “hot-head commander” ang maaaring kumalabit sa gatilyo na pagsisimulan ng isang digmaan.
Ilang taon na ring napapanatili ng China at ng sampung miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang nakababalisang kapayapaan sa kabila ng hindi pagkakasundo sa pinag-aagawan sa SCS. Nagmungkahi ang China ng isang Code ofd Conduct upang pamahalaan ang ikinikilos sa lugar, kasama ng layuning maiwasan ang aksidenteng digmaan na inaalala ni Pangulong Duterte kontra rito.
Gayunman, ang mungkahing Code of Conduct ay hindi pa rin napagtitibay hanggang sa ngayon. Nananatili lamang itong isang tunguhin na sinang-ayunan ng China at ng lahat ng bansa sa ASEAN. Ngunit ang probisyon nito ay kinakailangang isa-isahin, kasama kung paano maiiwasan ang mga sigalot sa dagat tulad ng insidente kamakailan na naging dahilan ng pag-apela ni Pangulong Duterte sa China para “temper” ang mga aksiyon nito sa pinag-aagawang dagat.