Halos umabot sa P60 milyon ang nasira sa agrikultura at imprastruktura bunsod na rin ng pagbayo ng sa bansa ng habagat na pinaigting ng bagyong ‘Karding’ kamakailan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ipinahayag ni Undersecretary Ricardo Jalad, Executive Director ng NDRRMC at kasalukuyang Administrator ng Office of Civil Defense (OCD), aabot sa kabuuang P57, 886,773.05 halaga ng nasalanta sa agrikultura at imprastruktura ang naitala sa Region 1, 2, at sa Cordillera Autonomous Region (CAR).
Sa nasabing halaga, aabot sa P33, 500,000 ay naitalang nasira sa agri habang aabot naman sa P24, 386,773.05 sa infrastructure.
Apektado rin aniya nito ang kabuuang 364,600 pamilya sa 1,082 barangay sa Regions 1, 3, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon), CAR (Cordillera Autonomous Region) at NCR.
Naitala rin ng ahensya ang 47 na insidente sa nasabing kalamidad sa Region 1, 2, CAR, at CALABARZON.
Kabuuang 817 lugar naman ang naiulat na lubog sa baha sa Region 1, 3, CALABARZON at NCR simula pa nitong Agosto 11, 2018.
-Francis T. Wakefield