“HINDI. Hindi siya nagbitiw,” sabi ni Communications Assistant Secretary Marie Banaag, sa kanyang pag-uulat hinggil sa nangyayari sa war on drugs ng gobyerno, nitong nakaraang Biyernes.
Natanong kasi siya hinggil sa hindi naanunsiyong pagbabakasyon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino. Kaya naman siya nakapagbakasyon dahil, ayon kay Pangulong Duterte, haka-haka lamang niya iyong inihayag niyang naglalaman ng P6.8 bilyong halaga ng shabu ang nadiskubreng apat na cylindrical container sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite, kamakailan. Hinggil sa mga cylindrical container na ito, ipinahayag ni Aquino sa media na, “Nakakalungkot. P6.8 bilyong halaga ng illegal drugs ay kumakalat na naman sa ating mga kalye.” Kahit walang laman ang mga cylindrical container nang matagpuan ang mga ito ni Aquino, kasama ang Customs agent at pulisya, katulad naman ito ng cylindrical container na nasabat sa Manila International Container Terminal na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P4.3 bilyon. Kaya, sa kanyang paniniwala, pinaglagyan din ng shabu ang apat na cylindrical container. Nag-iwan din dito ng bakas ng shabu na ipinahiwatig ng sniffing dog.
Kapag may nangyayaring ganito, mabilis ang House Committee on Illegal drugs na magsagawa ng imbestigasyon. Pero, malayo ito sa layuning mabusisi ang insidente para lumabas ang lahat ng dapat mahayag sa taumbayan. Tingnan ninyo ang P6.4 bilyong ilegal na droga na naipuslit sa Bureau of Customs, na natunton sa isang warehouse sa Valenzuela. Inipit ang pagkalap ng mga impormasyon na ang naging bunga ay pinanagot lamang si Commissioner Faeldon at ang kanyang mga opisyal. Subalit nang mag-imbestiga ang Senate Blue Ribbon Committee, bagamat ganito rin sana ang gustong mangyari ni Chairman Gordon, nabigo siya. Ipinilit ni Sen. Trillanes na tawagin at imbestigahan ang anak at manugang ng Pangulo. Nang tanungin ng Senador kung may tattoo si dating vice mayor, inamin niyang mayroon. Pero, nang hamunin siyang ipakita ito at makunan ng larawan, tumanggi ito. Ayon kay Trillanes, nagpapakita ito ng kanyang kaugnayan sa mga negosyante ng ilegal na droga sa mga bansa sa Asya. Eh ayon sa Pangulo, ang bulto ng shabu na nasabat sa MICT ay nagmula sa Taiwan.
Sa imbestigasyon ng House Committee on Illegal Drugs, ginisa ng mga mambabatas ang mga resource person na sumalakay sa warehouse sa GMA, Cavite. May mambabatas na nakunan sa telebisyon na nagkakandalaiti sa kanyang pagtatanong na walang nakitang shabu sa cylindrical container. Haka-haka lang umano ng kanyang tinatanong na sinidlan ang mga ito ng shabu. Pero, nanindigan si Atty. Lasala na shabu ang laman ng nasabing container dahil nang paikutin nila ang sniffing dog, huminto at umupo ito sa lugar kung saan nito nasinghot ang shabu. Kapuna-puna na wala sa imbestigasyon si PDEA General Director Aquino. Isyu ngayon kung nagbabakasyon ito o sinibak na ng Pangulo. May tinanggal ang Pangulo dahil may sinabi silang hindi niya gusto. Ang huli niyang sinibak ay si Gen. Dionisio Santiago nang sabihin nito na sa halip na ginastos ang malaking salapi sa pagpapagawa ng gusali para sa rehabilitasyon ng mga drug addict sa Laur, Nueva Ecija eh, sa iba na lang proyekto sana. Eh, ipinagmalaki pa naman ito ng Pangulo. “Kapag walang shabung nakita, walang shabu.” sabi ng Pangulo kaugnay ng pagsalakay sa GMA, Cavite
-Ric Valmonte