MUKHANG tama ang pahayag ni Special Assistant to the President Christopher Go, aka Bong Go, na isang “long shot” ang isinusulong na pederalismo ng Duterte administration. Noong Miyerkules, may nalathalang mga report na 19 pang grupo ang nagpahayag ng suporta sa opinyon ng economic managers ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na makaaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang federal system of government.

Kaisa sila sa panawagan ng economic managers ni PRRD na suriing mabuti ng Kongreso ang magiging gastos (costs) sa pagbabago ng sistema ng pamahalaan tungo sa federal system of government. Kabilang sa mga grupo ay ang Alyansa Agrikultura, Asia Pacific Real Estate Association, Bankers’ Association of the Philippines, Foundation for Economic Freedom, Institute of Corporate Directors, Investment House Association of the Philippines, Judicial Reform Initiative, National Real Estate Association, Organizations of Socialized Housing Development of the Philippines, at People Management Assocation of the Philippines.

Aba, hindi biro ang ‘di pagkatig ng mga grupong ito sa pederalismo. Kailangang mag-isip na muli si PDu30 bagamat batid natin na maganda ang kanyang intensiyon sa federal system of government. Sa Senado nga, may mga report na halos lahat ng mga senador ay kontra sa pederalismo. Para kay Senator Panfilo Lacson, ang pederalismo ay patay na at naghihintay na lang ng cremation.

Taliwas sa paniniwala at reklamo ng mga consumer, ang singil pala sa kuryente ng Meralco ay isa sa pinakamababa kumpara sa ibang mga bansa sa Asya. Batay sa pagsusuri ng International Energy Consultants (IEC), mas mababa nang 18% ang presyo ng kuryente kung ikukumpara ito sa sinisingil ng mga bansa sa Asya kung hindi isasama ang subsidiya (subsidies) na nakukuha nito sa merkado.

Habang patuloy sa pagtaas ang presyo ng kuryente sa ibang bansa, nakalalasap naman ang mga Pilipino ng pagbaba ng singil. Kung susuriin ang datos noong 2012, bumaba nang 18% ang presyo ng kuryente para sa residential Meralco customers.

Narinig ko sa radyo ang paliwanag ni Jose Zaldarriaga, spokesman ng Meralco na dati kong kasama sa Defense Press Corps, na binabanggit niya ang Dr. John Morris Tariff Report nitong 2018. Si Morris ang IEC Managing Director, na nagsagawa ng pag-aaral at nagsabing sa ngayon, ang residential customers ay nagbabayad lang ng 8% na mas mababa sa global average.

Ang Pilipinas ay nasa ika-24 sa 46 na mga bansa sa singilan sa kuryente. Kung ‘di lang isasama ang subsidiya at ang kuryente mula sa nuclear plants na ginagamit ng ibang mga bansa, lalabas na ang Meralco ang may pinakamababang singil ng kuryente sa Asya.

Sa Malaysia, Thailand, Taiwan at Korea at Indonesia, umaabot sa 41% ang kabuuang singil o $80 bilyon ang nakukuha nilang subsidiya. Sa kabuuang singil ng kuryente, sinabi ni John Morris na nasa 17% lang nito ang napupunta sa Meralco bilang distribution charge.

Narinig ba ninyo na noong nakaraang linggo, inulit ni Pangulong Rody na pagod na siya at nais na niyang mag-resign? Gayunman, ayaw naman niyang ibigay ang puwesto sa constitutional successor na si VP Leni Robredo dahil ito raw ay “incompetent”. Kung ang katulad daw nina ex-Sen. Bongbong Marcos at Sen. Chiz Escudero ang papalit sa kanya, willing siyang magbitiw. Aba, papaano ito? Hindi ba ninya alam na may Constitutional succession?

-Bert de Guzman