JAKARTA – Matikas na nakihamok, ngunit, sadyang kulang ang kahandaan ng Philippine women’s volleyball team na sumuko sa Southeast Asian power Thailand, 25-22, 25-12, 25-15, kahapon sa 18th Asian Games volleyball tournament.

Umayuda ang Filipina spikers sa 9-2 bentahe sa first set, subalit bigong makaakapay sa bilis at lakas ng Thai, ang reigning Asiad bronze medalist, para maisuko ang laban sa larong sinaksihan ng malaking Pinoy crowd sa GBK Tennis Indoor stadium dito.

Naghabol ang Thais, 16-19, bago tuluyang agawin ang momentum matapos maitabla ang iskor sa 21-21.

Ito ang unang pagsabak ng women’ volleyball team – tinutuligsa sa local volleyball community bunsod nang mahinang kahandaan – sa Asian Games sa nakalipas na 36 taon.

Manny Pacquiao, inintriga kung saan pupunta sa sabay na laban nina Jimuel, Eman sa Feb

Sumabak ang Pinay volleybelles sa maiksing pagsasanay sa Japan bago ang Asiad. Sunod nilang makakaharap ang Japanese side – perennial world beater – sa Martes.

Nanguna si Chatchu On Moksri sa Thailand sa naiskor na 15 puntos, habang kumana sina Pimpichaya Kokram at skipper Pleumjit Thinkaow ng 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Hataw si Alyssa Valdez para sa Pinay sa natipang pitong puntos, habang nag-ambag sina Jaja Santiago at Kim Dy ng tig-anim na puntos. Nakapaglaro ang lahat ng miyembro ng PH Team, na ginagabayan ni coach Shaq Delos Santos.