NANG mabasa ko sa Facebook account ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang artikulong “PDEA K9 Dogs for Adoption” nito lamang nakaraang araw, ay bigla akong naging interesado at agad kong inisa-isang tingnan ang 13 larawan ng matitikas na asong “retired” na umano sa pagseserbisyo.
Ang mga asong ito – na kung tawagin ay K9 ng awtoridad na kalaban ng mga sindikato ng droga sa bansa – ay naging katuwang ng mga ahente ng PDEA sa pagtunton ng mga nakatagong droga, na ang tanging gamit sa operasyon ay ang kanilang matalas na pang-amoy!
Hindi ipinaliwanag sa artikulo kung bakit inireretiro na sa serbisyo ang mga asong ito, na ang 10 ay babae at ang tatlo ay lalaki. Ang pinakamatanda sa lahat ay si Jose, 12, at dalawa naman ang pinakabata, sina Sky at Yomi, kapwa babae at 4. Ang iba pa ay pawang 5-anyos.
Mahirap masukat ang naging kabayanihan ng mga asong ito. Halos lahat kasi ng nabasa nating balita hinggil sa matagumpay na operasyon ng PDEA laban sa mga sindikato ng droga sa bansa ay dahil sa matalim na pang-amoy ng mga asong ito.
Kaya naman, tutal ay mahilig akong mag-alaga ng mga hayop, lalo na ng mga aso at pusa, naisipan kong pumunta sa PDEA at nagbakasakaling makaampon ng isa sa 13 bayaning K9 na ito. ’Di ba isang malaking karangalan, at pwede pang ipagmalaki sa mga kaibigan, na ang alaga kong aso ay isang BAYANI ng PDEA?
Gaya halimbawa ng nasamsam na P4.3 bilyong halaga ng shabu, na nasa 500 kilo, sa Manila International Container Port (MICP) noong nakaraang buwan. Ito ay itinago sa mga magnetic lifter sa loob ng mga container na galing pa sa Malaysia. Sa kuwento ni PDEA Director General Aaron Aquino, may naging partisipasyon ang mga K9 sa kanilang operasyon: “Sinubukan namin ang K9 dito unfortunately hindi kaya, kaya ang ginawa binutasan para mabuksan. Nung nabuksan na, we had the K9 again and positive nag-react ‘yung K9 dogs!”
Ang bida sa accomplishment na ito ay ang pinagsanib na puwersa ng PDEA at Bureau of Customs (BoC). Nasundan ang operasyon nito lamang nakaraan dalawang linggo – sa pagkakataong ito ay sa Cavite naman at sa aking paniniwala ay maaaring karugtong at gawa ng parehong sindikato na nagpuslit ng P4.3 bilyon droga sa MICP – shabu na aabot sa halagang P6.4 bilyon na sinasabing nakatago rin sa mga magnetic lifter.
Ang problema rito – walang shabung nakuha, bagkus inupuan lamang ito ng dalawang K9 ng PDEA matapos mabuksan ang butas na kaparehong-kapareho sa nakuha sa MICP, na nangangahulugan lang na may itinagong SHABU roon ngunit naipuslit na. Siyempre, ang lumilitaw na napalusutan dito ay ang BoC na hindi nakasama ng PDEA sa naturang operasyon.
Dito lumutang ang iringan sa pagitan ng BoC at PDEA. Agad namang namagitan si Pangulong Digong at malinaw na mas pinaniwalaan niya ang BoC makaraang sabihin niyang espekulasyon lang ang ulat ng PDEA dahil walang drogang nakuha sa nasabing mga lifter, na nadiskubre sa isang bodega sa Cavite noong nakaraang linggo. Ito kaya ang dahilan ng napabalitang biglaang pagpa-file ng “vacation leave” ni PDEA Director Aquino?
Ang naglalaro sa isip ko talaga ngayon ay ang 13 ini-RETIRE at ipinaaampon na mga K9 ng PDEA – kasama kaya rito ang mga asong UMUPO sa mga nakumpiskang mga magnetic lifter sa kontrobersiyal na operasyon ng PDEA sa Cavite?
Naging BIKTIMA rin kaya sila ng malalim na IMPLUWENSIYA ng sindikato ng droga rito sa bansa? Para sa akin mas pinaniniwalaan ko ang mga aso dahil hindi nagsisinungaling ang mga ito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.