JAKARTA, Indonesia — Tinanghal na ‘first gold winner’ sa 18th Asian Games si Sun Peiyuan ng China nang magwagi sa changquan discipline ng sports na wushu nitong Linggo dito.
Ginapi niya ang local hero na si Edgar Marvelo.
Umabot lamang sa apat na oras para tapusin ang changquan competition kung saan nanguna si Sun na may iskor na 9.75. Nakamit din niya ang kampeonato sa naturang event sa 2015 World Championship na ginanap din dito.
Naipagkaloob naman ni Marvelo, nagumon sa wushu dahil sa panonood ng mga paboritong palabas nina Chinese martial arts phenom Jet Li, Jackie Chan at Bruce Lee, ang unang medalya para sa host country sa iskor na 9.72. Nakamit ni Tsai Tse-min ng Taiwan ang bronze.
Ipinakilala sa Asian Games program ang Wushu, isang uri ng Chinese martial art, noong 1990 edisyon sa Beijing. Sa nakalipas na mga taon, naging ‘gold mine’ ang sports para sa China sa international competition.
“I knew if I perform well I can win the gold. So the pressure from the Indonesian athlete was mainly due to him competing in his home ground,” pahayag ni Sun. “I wanted to thank everybody for the support. I am glad that I didn’t let you down.”
Kinapos naman si Lee Ha-sung, kampeon sa event noong 2014 Asiad at unang South Korean gold winner sa Incheon, edition, sa nakadidismayang 12th place.
Sa swimming competition, sinimulan ni three-time Olympic gold medalist Sun Yang ang kampanya para sa target na limang ginto sa Jakarta, sa impresibong 1:47.58 para makausad sa Finals ng 200-meter freestyle.
Target ni Sun, ang Olympic champion, na malagpasan ang nakamit na silver medal na nakamit sa naturang event sa huling dalawang Asian Games.