MASAYA ang media-conference ng comedy movie na Wander Bra directed by Joven Tan, and produced by Bluerock Entertainment.

Gina, Cacai, at Myrtle

Usapang boobsie nga ang topic ng open forum dahil sa pelikula ay tatlo silang may-ari ng wander bra, sina Ms. Gina Pareño, Cacai Bautista, at Myrtle Sarrosa.

Si Gina ang unang may-ari ng mahiwagang bra, pero may duty siyang hindi natapos kaya naghanap siya ng mapagbibigyan niya nito, at kay Cacai napunta ang bra. Pero may alter ego si Cacai na super heroine, at kapag nagta-transform siya ay nagiging si Myrtle as Barbara.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Unang napansin ang umano’y paglaki ng boobs ni Myrtle, pero itinanggi ng aktres na may nagbago sa dibdib niya. Ganoon na raw talaga ang boobs, kaya naman medyo nagulat daw siya nang i-offer sa kanya ang role, dahil hindi naman daw malaki ang boobs niya. Sa katunayan, ayaw ni Myrtle ng malaking boobs.

Nagkatawanan naman nang sabihin ni Cacai na kaya siya kumuha ng alter ego dahil nga maliit lang ang boobs niya. Magpo-forty years old na sa September 2, sinabi ni Cacai na never niyang naisip na magpalaki ng boobs. Injection lang daw ay takot na siya, lalo pa raw kung ooperahan siya. Aniya, masaya na siya kung ano ang ibinigay sa kanya ng Diyos.

Samantala, teenage actress pa lang si Ms Gina ay may kalakihan na talaga ang kanyang bumpers. Inamin niyang nahihirapan siya dahil mabigat ang kanyang boobs, pero never naman daw niyang naisip na magpabawas nito.

“Takot din ako sa doctor, kaya paano ako magpapabawas,” natatawang wika ni Ms Gina. “Tinitiis ko na lang ang bigat nito, kaysa magpabawas ako sa doctor.”

Sa tatlong aktres, si Myrtle talaga ang medyo nahirapan sa kanyang role, pero nag-enjoy siya sa character niya bilang alter ego ni Cacai.

“Kailangan po kasing pag-aralan ko ang kilos at pagsasalita ni Ate Cacai,” kuwento ni Myrtle. “Kahit ang pagbukas ng bibig niya, kailangang gayahin ko, kaya kahit ako ay nag-enjoy panoorin ang sarili ko bilang si Ate Cacai.”

First comedy movie ito ni Direk Joven, na madalas ay mga pang-millennial ang mga story na isinusulat. Gayunman, sinabi niyang hindi naman bago sa kanya ang comedy.

“Lumaki kasi ako sa panonood ng mga pelikula ng Regal Films, na madalas kung nanonood ako ng comedy films nila, lumalabas akong nakangiti,” kuwento ni Direk Joven.

“Iyon din ang gusto ko rito sa movie namin. Iyong mabigyan ang audience ng panoorin na matutuwa sila at lalabas din sila ng sinehan na nakangiti.

“Si Cacai dito simple lang ang dream sa buhay, tapos nagkaroon siya ng power sa pamamagitan ng wander bra, at bagay na bagay naman kay Myrtle ang pagiging sexy super heroine,” sabi ni Direk Joven.

Kasama rin sa cast sina Gardo Versoza, Kiray Celis, Zeus Collins, at si Bryan Gazmen. Showing na sa September 12 ang Wander Bra in cinemas nationwide.

-NORA V. CALDERON