MAY malaking problema si Anne Curtis at ang kanyang Viva Entertainment Group support group sa subtitle nilang “Last Na ‘To” sa AnneKulit concert.
Ito ang huli sa Araneta Coliseum concerts ni Anne na nagsimula noong 2012, AnneBisyosa: No Other Concert at AnneKapal: The Forbidden Concert noong 2014.
Matatandaang panay ang pintas ng mga kritiko maging sa unang concert pa lang ni Anne, hindi naman daw singer bakit ipinagpoprodyus ng concert. Pati ilang tunay na singers na ni hindi nakaranas tumuntong sa stage ng Big Dome, nagpapasaring sa pagbibigay ng concert sa non-singer.
Pero wa’ epek sa followers ni Anne Curtis ang bitterness ng ‘di makasakay sa lipad ng brilliant na utak ng entertainment mogul na si Boss Vic del Rosario. Puno pa rin ang second concert at ganoon din ang huli nitong nakaraang Sabado ng gabi.Natumbok ni Regine Velasquez, special guest ni Anne sa finale number, ang ipinupunta ng concertgoers sa live show ni Anne.
“Walang may perfect pitch,” sabi ng Asia’s Songbird pagkatapos ng kuwelang duet nila, “kahit kami, kahit ako hindi rin perfect pitch, kasi nagkakamali rin. Mas mahalaga ang connection mo sa audience.
‘Di man perfect ang pitch mo, for me, sa napanood kong reception ng audience sa ‘you, you’re a perfect entertainer.”Kinuwestiyon kasi ni Regine kung bakit last concert na ito ni Anne.
“Para sa akin kasi okay na ‘yun,” sagot ng main star ng gabi. “Hindi naman talaga ako singer at malaking achievement na sa akin ito.”Hindi flawless na singing ability ang binabayaran ng mga nanood kay Anne kundi ang mula sa pusong bawat performance niya, pati na ang mga pagkakamaling siya mismo ang unang tumatawa. Higit sa lahat, pati na rin ang world-class na direction at production.
Bukod kay Regine, guests din ni Anne sina James Reid at Sarah Geronimo. Ang malaking problema ngayon ng Viva, kung kailan last concert na ni Anne, saka naman very evident na napakalaki na ng improvement ng singing voice niya!Paano na ‘yan?
-DINDO M. BALARES