NAGSIMULA na ngayong araw ang Asian Games sa Jakarta at Palembang, Indonesia, ang ikalawa sa pinakamalaking kaganapan sa larangan ng sports sa buong mundo kasunod ng Olympics, kabilang ang 16,000 atleta at mga opisyal mula sa 45 bansa— o higit kalahati ng kabuuang populasyon ng mundo—na maglalaban-laban sa 40 sports.
Hindi ito nakakuha ng malaking interes at atensiyon dito sa bansa, dahil bukod kay Rio Olympic silver medalist weightlifter Hidilyn Diaz ng Zamboanga City, kakaunti lamang sa mga atleta natin ang may hawak na ginto. Ang China, na inaasahang mangunguna sa medal tally, ay mayroong Su Bingtian na pinakamabilis na tao sa Asya. Mayroong world badminton champion Kento Momota ang Japan. Ang Singapore naman ay may manlalangoy na si Joseph Schooling, na siyang nakatalo sa sikat na si Micheal Phelps ng US sa 100-m butterfly finals noong Rio Olympics. Si Nicol David naman ang pambato ng Malaysia sa larong squash. At ang South Korea ay may Son Heung-min na naging daan ang goal sa pagbagsak ng dating kampeon na Germany sa ginanap na World Cup sa Russia, kamakailan.
Higit pang nawalan ng interes ang mga Pilipino sa Asian Games nitong nakaraang linggo nang ianunsiyo ng Pilipinas na hindi muna ito lalahok sa kategorya ng basketball competition, dahil sa mahinang koponan. Makalipas ng ilang araw ay nagbago ang isip ng mga opisyal at nagdesisyong ipadala ang koponang binuo mula sa Rain or Shine, subalit tinanggihan ng National Basketball Association (NBA) ng Estados Unidos ang pag-anyaya nitong maisama si Jordan Clarkson ng Cleveland Cavaliers. At nitong Martes, nagbago ang desisyon ng NBA at pumayag na makapaglaro si Clarkson para sa Gilas Pilipinas, matapos lumabas na dalawang manlalaro ng NBA ang nasa koponan ng China.
Ipinanganak ang ina ni Clarkson sa Angeles City, Pampanga at kahit hindi pa nakararating dito, ibinahagi niya ang kanyang planong pagbisita ngayong taon sa kinalakihang bansa ng kanyang ina na kilala, aniya, sa malaking kultura ng basketball. Noong bahagi pa siya ng koponan ng Los Angeles Lakers noong nakaraang taon, nakibahagi siya sa malaking pagdiriwang ng Philippine-American community sa Festival of Art and Culture kasama ang kanyang ina na si Annette Davis at lola na si Marcelina Tullao.
Si Clarkson ang magiging flag bearer ng bansa para sa pagbubukas na seremonya sa Jakarta ngayong araw. Hindi niya nagawang makasama sa koponan ng Pilipinas nang maglaro ito at talunin ang koponan ng Kazakhstan nitong Huwebes. Ang susunod na kalaban ng Pilipinas ay China, sa Martes. Sa pagdaraos ng paligsahan, tutukan din natin ang iba pa nating mga atleta, lalo na sa larangan ng boxing, gymnastics, taekwondo, juijitso, judo at syempre, ang weightlifting.
Manalo o matalo, suportado natin ang lahat ng ating pambato sa Asian Games. Bagamat umaasa rin tayo sa muling pag-angat ng Pilipinas sa sports ngayon na mayroong bagong pinuno ang Philippine Olympic Committee sa katauhan ni Ricky Vargas.