Nanindigan kahapon si Senator Antonio Trillanes IV na walang legal na basehan si Solicitor General Jose Calida upang pigilan ang gagawing imbestigasyon ng Senado hinggil sa umano’y maanomalyang transaksiyon ng mga security company ng abogado ng pamahalaan.
Iginiiit ni Trillanes na hindi exempted si Calida sa imbestigasyon at higit sa lahat, walang “sacred cow” sa legislative inquiries.
Layunin ng imbestigasyon na matukoy ng Senado kung bakit nakapasok ang mga security company ni Calida sa ilang ahensya ng pamahalaan sa kabila ng posisyon nito bilang Solicitor General.
“Let me remind Mr. Calida that he is not a sacred cow. He does not have any immunity from any legislative inquiry. Thus, his petition for TRO (temporary restraining order) has no legal basis,” giit ni Trillanes.
Una nang hiniling ni Calida at ng kanyang pamilya sa Supreme Court (SC) na ipatigil ang imbestigasyon sa mga kontratang pinasok ng pag-aari nilang Vigilant Investigative and Security Agency, Incorporated.
Sa petisyon ni Calida, ipinapabalewala niya ang imbitasyon ni Trillanes na dumalo siya sa pagdinig dahil hindi naman aprubado ng komite o ng Senado ang nasabing pagsisiyasat.
Matatandaang iniharap nina Trillanes, Senators Risa Hontiveros, Franklin Drilon, Bam Aquino, Francis Pagilinan at Leila de Lima ang Senate Resolution 760 upang imbestigahan ang security agency ng pamilya ni Calida.
-Leonel M. Abasola