MAS tinututukan ni Direk Jason Paul Laxamana ang Bakwit Boys na isa sa dalawang entry niya sa 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino na nagsimula na nitong Miyerkules, dahil wala pa sa 100 ang bilang ng mga sinehang (90) pinalalabasan nito, kumpara sa isa pang pelikulang entry ng direktor, ang The Day After Valentines na pinagbibidahan nina Bela Padilla at JC Santos, na napapanood na sa mahigit 100 sinehan.
Naglabas ng hinaing si Direk Jason Paul nitong Miyerkules dahil hindi pa man nagsisimulang ipalabas sa SM Cinema Clark ang Bakwit Boys ay tinanggal na ito at pinalitan ng ibang pelikula.
Ayon sa direktor, “Haaay, SM Cinema Clark, tinanggal niyo ang Kapampangang-made film na #Bakwit Boys after a day bago pa mapanood ng mga kabalen. Lagi kayong ganyan, #nothingnew. Napaka-ironic!”
As of this writing ay nasa ikalimang puwesto ang Bakwit Boys kaya todo sa pagpo-promote ang taong konektado sa pelikula.
Umaasa naman ang lahat ng cast at staff na madaragdagan ang mga sinehang paglalabasan ng pelikula nila habang dumaraan ang mga araw.
Kaya masama ang loob ng direktor sa SM Cinema Clark ay dahil ang Bakwit Boys ay kuwento ng kababayan nilang Kapampangan na gustong iparating sa buong mundo ang mensahe ng pelikula.
Ang mga awiting narinig sa pelikula ay isinulat ni Jhaye Cura na kaibigan ni Direk Jason Paul na nakatrabaho niya noon sa pagsusulat ng Kapampangan songs.
Ayon kay Direk JP: “She’s got a ‘gift of melody. That’s why I wanted to give her songs a chance to be heard through this film.”
Bukod sa version ng Bakwit Boys na sina Ryle Santiago, Nikko Tuazon, Markie Empuerto at Vance Larena, maririnig din sa pelikula ang pop version nina Mark Oblea ng awiting Fiona, ni Jay R ng awiting Patibong, ni Sean Oliver, na siyang kumanta ng theme song ng pelikula na may titulong Ligtas Ka Na at ni Ice Seguerra ng awiting Tayong Dalawa.
Mapakikinggan na ang OST ng Bakwit Boys sa Spotify at iba pang digital music stores. For updates about Bakwit Boys, i-follow ang @prodsthatmatter sa Facebook, Twitter at Instagram.
-Reggee Bonoan