NAPILI si PBA legend Allan Caidic bilang commissioner ng 3×3 Golden League Manila na gaganapin sa Setyembre 12 - 15.

Ikinatuwa naman ng tinaguriang PBA Triggerman ang oportunidad na pamunuan ang torneo dahil na rin sa kagustuhan nitong makatulong sa development ng grassroot basketball sa bansa at sa tsansang makapagbigay ng pagkakataon sa mga manlalarong maging kinatawan ng bansa sa international competition dahil ang magkakampeon sa torneo ay ipapadala sa Beijing para makasali sa 3×3 International Elite League kung saan nila makakatunggali ang mga top 3×3 teams sa buong mundo.

“I believe that the Philippines has a potential in this sport. Almost all players including me began playing 3×3 basketball on the streets,” ani Caidic.

“I see the potential of the Filipinos excelling in the sport, especially with the event being an Olympic sport in 2020 will motivate them further.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang 3×3 Golden League Manila tournament ay idaraos sa Setyembre 12 - 14 sa Taft Food by the Court, habang ang national finals ay gaganapin sa Setyembre 15 sa Vista Mall sa Taguig City.

May kabuuang 128 teams ang maglalaban sa Manila tournament crown kung saan champion ay makakalahok sa Sina 3×3 International Elite League na idaraos sa Nobyembre 13 - 17 sa Beijing.

Ang champion ng Manila tournament ay tatanggap ng USD 3,000, habang ang first at second runners-up ay mag-uuwi ng USD 2,000 at USD 1,000 ayon sa pagkakasunod.

-Marivic Awitan