Anim na tao bawat araw ang namatay sa nakalipas na dalawang taon, simula nang ilunsad ni Pangulong Duterte ang malawakang kampanya sa bansa kontra ilegal na droga.

Ito ang isiniwalat ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Senior Supt. Benigno Durana Jr. sa #RealNumbersPH forum kahapon.

Ayon kay Durana, may kabuuang 4,410 katao ang namatay sa 105,658 anti-illegal drug operation simula Hulyo 2016 hanggang nitong Hunyo 31, 2018, o anim ang napapatay kada araw.

Sinabi ni Durana na ito ang sitwasyon sa “real world”, kung saan kailangang makipaglaban ang mga awtoridad sa mga “drug-crazed and heavily armed” na suspek.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“As much as possible, we want it not to be bloody but you are dealing with drug-crazed, highly armed criminals. Law enforcers cannot lay down their lives for these criminals who have been denying the Filipino people of their human rights to live in a society free from the scourge of illegal drugs,” katwiran ni Durana.

Nabanggit din niya na hindi bababa sa 87 narcotics enforcer ang napatay, habang mahigit 200 iba pang nasugatan sa mga operasyon.

Hindi pa kasama sa nasabing bilang ang nasa 4,850 “deaths under investigation” o ‘yung mga hindi natukoy kung sino ang pumatay, simula Hulyo 1, 2016 hanggang Hulyo 1, 2018.

Bukod pa sa mga napatay, 152,123 drug suspects ang naaresto ng awtoridad—569 sa mga ito ang empleyado ng gobyerno.

Samantala, nasa kabuuang P21.48 bilyon halaga naman ng droga at kagamitan sa mga laboratoryo ang nakumpiska ng mga awtoridad.

-Martin A. Sadongdong