Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang riding-in-tandem nang umiwas umano ang mga ito sa checkpoint at makipagbarilan sa awtoridad sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Sasampahan ng mga kasong Direct Assault Upon Agent of Person in Authority, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sina Argelle Evans Cunanan, 26, ng LRC Compound, C.M. Recto Avenue, sa Sta. Cruz, Maynila; at Orlando Ignacio, 32, ng Balagtas Street, Tondo, Maynila.

Sa ulat ng MPD-Sampaloc Police Station (PS4), nagsagawa ng “Oplan Sita” ang mga tauhan ng UBA Police Community Precinct (PCP) sa Laon Laan St., kanto ng A. Mendoza St., sa Sampaloc, matapos na makatanggap ng tip hinggil sa presensiya ng mga suspek sa pagtangay sa isang motorsiklo sa kanilang area of responsibility.

Pagsapit ng 3:40 ng hapon, namataan ng mga pulis ang mga suspek, na magkaangkas sa isang motorsiklong walang plaka.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pinara ng mga pulis ang mga suspek, ngunit sa halip na huminto ay humarurot umano ang mga ito habang pinapaputukan ang mga pulis.

Hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa nakorner at naaresto.

Isa sa mga suspek ang sugatan, na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center, habang ang isa pa ay binitbit sa presinto para imbestigahan.

Narekober sa mga suspek ang cal .38 revolver na may mga bala, dalawang improvised picklocks, martilyo, plais, Allen wrench, dalawang pakete ng umano’y shabu at motorsiklo na biniberipika kung nakaw o hindi.

-Mary Ann Santiago