ANG role ni Scarlett Johansson bilang ang Marvel superhero na si Black Widow ang naging susi upang mailuklok siya sa unang puwesto sa listahan ng Forbes ng world’s highest-paid actresses nitong Huwebes, dinaig si Angelina Jolie.
Kumita si Scarlett, 33, ng $40.5 million sa pre-tax earnings mula Hunyo 1, 2017 hanggang Hunyo 1, 2018, na apat na beses na mas malaki sa kita niya noong nakaraang taon, ayon sa kalkulasyon ng Forbes.
Gumanap siyang si Black Widow sa hit movie ngayong taon na Avengers: Infinity War at magbabalik ang role niya sa 2019 installment mula sa Walt Disney Co’s (DIS.N) Marvel Studios.
Kumita naman si Angelina, 43, ng $28 million, salamat sa bayad sa kanya para sa pelikulang Maleficent 2, na nakatakdang ipalabas sa 2020.
Pumangatlo si Jennifer Aniston, 49, na patuloy pa ring kumikita sa 1990s sitcom na Friends, sa kanyang earnings na $19.5 million. Nakalikom din siya ng pera mula sa mga endorsement ng mga produkto, kabilang ang Coca-Cola Co’s (KO.N) Smartwater brand at Johnson & Johnson’s (JNJ.N) Aveeno.
Si Jennifer Lawrence, 28, na bumida sa underperforming films na Mother! at Red Sparrow, ang nakapasok sa ikaapat na puwesto sa Forbes list, dahil sa patuloy niyang pagkita sa pagganap sa kanyang karaktter sa X-Men series at endorsement contract sa fashion brand na Christian Dior. Ang kanyang $18 million income ay mababa ng $6 million kumpara sa kita niya noong nakaraang taon.
Panglima si Reese Witherspoon, 42, sa kitang $16.5 million.
Ang iba pang pasok sa top 10 ay sina Mila Kunis, Cate Blanchett, Melissa McCarthy at Gal Gadot.
Lumigwak naman sa Top 10 ang highest-paid actress noong nakaraang taon, ang Oscar-winning La La Land star na si Emma Stone.
Nakatakdang ilabas ang 2018 Forbes list ng highest-paid actors sa susunod na linggo. Noong nakaraang taon, nanguna si Mark Wahlberg sa listahan sa kitang $68 million, na ang malaking porsiyento ay ang kanyang pagganap sa Daddy’s Home 2 at Transformers: The Last Knight.
Ang impormasyon ng magazine para sa taunang kita ng mga celebrity ay mula sa datos ng box office at Nielsen, at mula sa kanilang mga interviews sa industry insiders.
Reuters