KUNG totohanan na talaga ang sinasabi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mas pinabigat na nila ang “screening process” para sa mga aplikanteng gustong maging pulis, at idinagdag pa rito ang makabagong sistema ng paggamit ng “bar code” upang ikubli ang pangalan ng aplikante, nasisiguro kong magiging matino na ang hanay ng ating mga alagad ng batas.
Sa pamamagitan ng “bar code” ay kinikinita kong ang unang mapuputol dito ay ang sistema ng PADRINO na talamak sa buong proseso ng recruitment, at kapural sa naglipanang mga “half-baked cops” na kadalasang nasasangkot sa mga katiwalian at krimen.
At ang ipinagmamalaki ng pamunuan ng PNP na kakambal ng “bar code” ay ang tinatawag nilang RONMEDDS – ito ang Pinaikling kahulugan ng Robust Neuro Psychiatric Medical and Dental System, na sinisiguro mismo ni Chief PNP Dir Gen Oscar Albayalde, na magbibigay sa bayan ng mga matitinong recruit!
Ang buong tiwalang pahayag ni CPNP Albayalde: “RONMEDDS is the initial phase of the screening process for police recruits to ensure that only individuals with good moral character and the right mindset shall be admitted into the police service by making the recruitment process free from human “intervention”.
Ang “bar code” – mga guhit at numero na sinlaki lamang ng stamp na makikita sa mga produkto at dokumento -- ay makabagong sistema ng pagtatago ng mga dokumentong nagtataglay ng “profile” ng mga bagay at tao na tanging scanner at computer lamang ang makababasa. Isang sistema ito na puputol sa pakikialam ng mga PADRINO sa mga aplikanteng wala namang “K” na maging pulis sa recruitment ng PNP.
Sa pamamagitan ng “bar code”, ang pagkatao ng sinumang aplikante ay mananatiling lihim habang ang mga ito ay dumaraan sa iba’t ibang pinaigting na proseso ng recruitment – mula sa sukat ng taas at timbang ng mga ito, interview, medical tests, agility tests, at ang pinakamahalaga sa lahat na madalas ay sadyang nababalewala – ang neuro-psychiatric examination!
Inamin ni Albayalde na maging siya ay walang alam na kahit isang bar code number o profile ng mga PNP applicants – maliban siyempre sa sarili niyang “bar code” -- at ito ang ipinagmamalaki niyang bahagi ng pinaigting na internal cleansing ng PNP.
“This is to preserve the integrity of the PNP recruitment process and minimize outside influence on behalf of ‘flawed’ individuals,” ani Albayalde.
At ito ang FINALE – kapag nabuo na ang listahan ng mga nakapasang aplikante, ilalabas ng PNP ang kumpletong listahan ng pangalan ng mga ito sa social at traditional media – kagaya sa pagpapaskil sa City Hall at simbahan ng pangalan ng mga magpapakasal – upang mabasa ng publiko at lumitaw ang mga taong KONTRA sa pagpasok ng aplikante na alam nilang may “derogatory record” sa kanilang komunidad.
Harinawang maging matagumpay ang pagpapatupad ng pamunuan ng PNP sa makabago at “rigid screening process” na ito upang gumanda na ang imahe at serbisyo ng ating mga alagad ng batas na tampulan ngayon, kahit saang sulok ng bansa, ng pagtuligsa dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang krimen at anomalya ng mga tauhan nitong mga bagong pasok pa lamang sa serbisyo.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.