Nawala sa mga tagasuporta ni dating Speaker Pantaleon Alvarez ang mga pangunahing posisyon sa patuloy na reorganisasyon sa House of Representatives sa ilalim ng liderato ni dating pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa kabila ng last-minute decision na bumalik sa majority bloc at suportahan ang liderato ni Arroyo, inalis pa rin sa kani-kanilang posisyon sina Reps. Gwendolyn Garcia (PDP-Laban, Cebu); Jose Mayo Almario (PDP-Laban, Davao Oriental), at Johnny Ty Pimentel (PDP-Laban, Surigao del Sur) .

Si Garcia ay pinalitan ni Bohol Rep. Arthur Yap bilang deputy speaker habang si Almario ay ibinigay ang kanyang puwesto bilang miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointments kay Masbate Rep. Scott Davies Lanete.

Gayunman, si Garcia ay ibinotong chairperson ng House Committee on Economic Affairs, ang puwestong binakante ni Yap.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Si Camiguin Island Rep. Xavier Jesus Romualdo ang pumalit kay Ty- Pimentel bilang chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Inalis din sa kanyang puwesto si Isabela Rep. Rodito Albano, loyalista ni Alvarez, bilang miyembro ng CA. Pinalitan siya ni Zamboanga del Sur Rep. Aurora Cerilles.

Ang ngayo’y oposisyon nang si Rep. Romero Quimbo (LP, Marikina City) ay pinalitan ni Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay Jr. bilang deputy speaker.

Ang LP stalwart na si Rep. Jorge Bolet Banal naman ay inalis bilang vice chairman ng Committee on Accounts, at pinalitan ni Cavite Rep. Jennifer Austria-Barzaga.

Ayon sa sources, nabigo ang pagsisikap nina Almario at Ty-Pimentel na manatili sa kani-kanilang mga posisyon dahil nagdududa pa rin ang mga tagasuporta ni Arroyo sa kanilang katapatan sa bagong liderato.

Bukod kay Alvarez, ang iba pang dating senior administration congressmen na sumama sa minority faction ni ABS Partylist Rep. Eugene Michael De Vera ay sina Reps. Rodolfo Farinas (PDP-Laban, Ilocos Norte) at Reynaldo Umali (PDP-Laban, Mindoro Oriental). Inalis sila bilang majority leader at chairman ng Committee on Justice, ayon sa pagkakasunod.

Nahalal na kapalit ni Farinas si majority leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. habang si Umali ay pinalitan ng ka-probinsiya niyang si Rep. Doy Leachon.

-Ben R. Rosario