Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikano na tinutugis ng federal authorities sa Texas dahil sa pagiging sex offender.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang puga na si Stacey Thomas, 49, na inaresto sa kanyang tinutuluyan sa Teresa Heights, Fairview, Quezon City nitong Biyernes.

Sinabi ni Morente na inisyu niya ang mission order para sa pag-aresto kay Thomas sa kahilingan ng US embassy sa Maynila, na ipa-deport sa Amerika upang harapin ang kaso.

Sinabi niya na si Thomas ay may arrest warrant na inisyu ng US District Court sa Western Texas kung saan siya kinasuhan ng crime of abusive sexual contact, na paglabag tulad ng sexual assault.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napag-alaman na si Thomas ay kabilang sa wanted list ng FBI simula pa noong Hulyo 2010 nang iisyu ang court warrant.

Ayon kay BI intelligence officer Bobby Raquepo, na namumuno sa fugitive search unit (FSU) ng tanggapan, si Thomas ay undocumented alien dahil sa pagkansela ng pamahalaan ng US sa kanyang pasaporte.

Kasalukuyang nakakulong si Thomas sa BI detention facility sa Taguig City.

-Jun Ramirez at Mina Navarro