PINALUTANG na naman ni Pangulong Duterte ang hangarin niyang magbitiw, pero namili siya kung sino ang papalit sa kanya. Military junta, aniya, o kaya sina Escudero o Marcos. Ayaw niya raw kay Vice President Leni Robredo dahil sa bukod sa hindi niya kayang mamuno, nagkalat ang droga sa kanyang lugar sa Naga. Pero, hindi naman tungkol sa droga ang ibinigay niyang dahilan kung bakit siya magbibitiw kundi kurapsyon. Hindi na raw niya kayang makontrol ang kurapsyon.
Nagsagawa na naman ng imbestigasyon ang House Committee on Illegal Drugs ni Congressman Ace Barbers. Ang naging paksa ay ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng 4.3 bilyong piso sa Manila International Container Terminal (MICT) at ang 6.8 bilyong pisong shabu na hindi na inabutan ng mga tauhan ng PDEA, customs agent at pulisya, nang kanilang salakayin ang isang warehouse sa Mariano Alvarez, Cavite. Ang apat na cylindrical container na walang laman ang tumambad sa kanila pero, naniniwala silang pinaglagyan ang mga ito ng shabu dahil unang-una, katulad ang mga ito na cylindrical container na nasabat nila sa MICT. Ikalawa, ipinahiwatig ito ng drug-sniffing dog batay sa bakas ng droga na nasa loob ng mga cylindrical container.
Bago pa ginanap ng komite ang pagdinig, pinuna na ni Pangulong Digong ang inihayag ng PDEA na shabu ang laman ng apat na cylindrical container. Haka-haka at espekulasyon lang daw ito ng PDEA. Kaya, sa pagdinig ng komite, ang linyang ito ang ipinagdiinan ng mga mambabatas. Napaamin nila si Customs Commissioner Lapena, hindi lamang ipinagpalagay na shabu ang laman ng cylindrical container, kundi wala, aniya, itong shabu. Ang ginawa ng komite ngayon ay mistulang ang ginawa sa 64 na bilyong shabu na nakalusot sa Bureau of Customs (BoC), ang Commissioner pa noon ay si Faeldon, na natunton sa isang warehouse sa Valenzuela. Ipinalabas sa imbestigasyon na ang responsibilidad ay hanggang kay Faeldon at sa kanyang grupo. Samantala, sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kinaladkad ni Senador Trillanes ang isyu na umabot sa anak at manugang ng Pangulo.
Naglabas na naman ng fake news ang Pangulo hinggil sa kanyang pagbibitiw. Unang-una, wala siyang karapatang mamili ng hahalili sa kanya. Ang taumbayan lang pupwede at inihalal nga nila ay si Vice President Leni Robredo. Ikalawa, kung korupsyon ang dahilan at wala na siyang kakayahang makontrol ito bakit hinayaan niyang palitan ni dating Pangulong Gloria Arroyo si Pantaleon Alvarez bilang speaker at hirangin sa mga sensitibong posisyon ang mga kasama niya noong panahon na ito ang Pangulo? Eh hindi nga nito natapos ang kanyang termino na walang kasong impeachment na isinampa laban sa kanya dahil sa kurapsyon. Ikatlo, nais niyang ituon ng mamamayan ang kanilang pansin sa sa kurapsyon. Nais niyang iligaw ito sa tunay na isyu: Sa kabila ng napakarami ng napatay sa kanyang war on drugs, na halos lahat ay mga dukha, at patuloy pa ring may mga napapatay, wala namang patumangga ang pagpasok ng bulto-bultong ilegal na droga sa bansa sa pamamagitan ng ating mga pantalan at paliparan. Eh ipinangako niya sa taumbayan sa panahon ng kampanya na wawakasan ang problemang ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Sa totoo lang, sa dahilang siya mismo ang nakaaalam, hindi niya malilinis ang droga kasi tulad ng basura, narito ang pera.
-Ric Valmonte