Hinimok ng Malacañang ang publiko na bigyan muna ng pagkakataon ang bagong polisiyang ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magbabawal sa mga sasakyang driver lang ang sakay na dumaan sa EDSA tuwing rush hour.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng pagsisimula ng MMDA ng isang linggong dry run nito sa driver-only car ban nitong Miyerkules, sa layuning mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa pinakaabalang kalsada sa Metro Manila.
“Maganda naman po ang hangarin ng MMDA, mabawasan ang sasakyan sa EDSA,” sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing kahapon. “So let’s give it a chance. Lahat naman po ine-explore natin para magkaroon ng solusyon dito sa problema ng traffic.”Aniya, sa Amerika ginaya ng MMDA ang nasabing polisiya.
“So parang ‘yun po ang pinaggayahan ng MMDA—na bawal ‘yung iisa lang ang pasahero for a period of time, to encourage people to resort to carpooling,” paliwanag ni Roque. “So ‘pag may carpooling kasi, less cars on the road, at tsaka siyempre, patuloy po na pataas ang presyo ng gasolina, makakatipid din tayo sa gasolina.
‘Ginagawa po ‘yan sa America at ilang lugar sa daigdig. Hindi po tayo ang kauna-unahang nag-eksperimento diyan. So tingnan po natin kung magiging epektibo ‘yan. Subukan naman po natin,” dagdag ni Roque.
Una nang nagpasa ng resolusyon sa Senado upang ipatigil ang implementasyon ng driver-only car ban, na pormal na ipatutupad sa Huwebes, Agosto 23, dahil sa kawalan umano nito ng konsultasyon sa kinauukulan.
-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS