ANG tuluy-tuloy at malakas na pag-ulan nitong mga nakaraang linggo na nagpabaha at nanalasa sa maraming pamayanan sa buong bansa, ay muling nagpahiwatig na ang paglikha sa isang ‘disaster management agency’ ay sadya at lubhang kailangan. Hanggang ngayon ay nagsisiksikan sa masisikip na mga evacuation center ang libu-libong pamilyang biktima ng baha.
Salamat naman at sa kabila ng mga agam-agam, nakalaan nang talakayin ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR) sa plenary ng Kamara sa susunod na sesyon nito. Ang DDR ay prioridad na bilin sa mga mambabatas ni Pangulong Duterte sa 2018 SONA niya kamakailan.
Ang panukalang DDR ay aprubado ng Government Reorganization, at Defense and Security Committee ng Kamara at pinaglaanan na rin ito ng P21 bilyon budget ng Appropriations committee, doble sa P10 bilyon na panukala ni Salceda sa orihinal niyang HB 6075.
Agarang pinakilos ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang tatlong komite ng Kamara para trabahuhin ang panukalang DDR matapos siyang iluklok bilang pinuno ng Kamara. Pati si National Defense Secretary Delfin Lorenzana na siya ring namumuno sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ay boto at sumusuporta sa paglikha ng DDR.
Pinasalamatan at pinuri ni Lorenzana si Speaker Arroyo at ang mga chairman ng tatlong komite ng Kamara, at si Salceda na siyang namuo sa House technical working group na nagsanib sa 34 na iba pang kahawig na panukala sa HB 6075.
Ang paglikha sa DDR ay mahalagang hakbang sa pagbuo ng matatag at ligtas na mga pamayanan, at pagsasanay sa mga Pinoy sa mga hamon ng kalamidad. At gaya ng puna ni Salceda, isang kilalang ekonomista at ‘House focal person on economic policy concerns under’ ni Arroyo, “kapag napagaan ang pananalasa ng mga kalamidad, magiging susi din ang DDR sa pagpapasulong ng kabuhayan ng bansa.”
Aamyendahan ng HB 6075 ang RA 10121 na lumikha sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na pinamumunuan ng Defense Secretary.
Nagkakaisa sina Lorenzana at Salceda na akma ang DDR sa ahensiyang pangarap ni Pangulong Duterte sa direktiba niya na ito ay dapat na may “unity of command, science-based approach and full-time focus on natural hazards and disasters, with a ‘Whole-of-Government and Whole-of-Nation’ approach to disaster risk reduction; preparedness and response; with better recovery and faster rehabilitation.”
Sa ngayon, dapat pag-usapan at resolbahin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), pati na ng Department of Science and Technology (DoST) at magiging pamunuan ng DDR, ang mga agam-agam tungkol sa nakikita nilang problema tungkol sa DDR.
-Johnny Dayang