BUMALIKWAS at nagpamalas muli ng bangis ang Davao Occidental Cocolife Tigers matapos na silain ang Cebu Sharks, 71-64, upang mapigil ang dausdos nito at patuloy na kumikig sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup sa Bacoor Sports Center sa Cavite nitong Lunes.
Ang trio nina dating PBA players Bonbon Custodio, Leo Najorda at Mark Yee ang nanagpang nang husto sa kalaban sa kanilang pinagsamang 35 puntos upang lunurin ang Sharks na tinampukan pa ng fourth quarter explosion ni Billy Ray Robles para sa panalo ng Davao Occidental ni team owner Claudine Bautista at suportado nina Cocolife president Elmo Nobleza, FVP Joseph Ronquillo at AVP Rowena Asnan.
Lamang pa ng gabuhok sa haiftime ang Cebu sa eksplosibong laro ni John Abad na may 11 puntos sa unang dalawang yugto kung saan sa ikatlong canto ay ayaw magbigayan ng espasyo ang magkabilang koponan na tumabla pa sa 52-all sa third papasok ng pinal na yugto.
Ang beteranong sina Custodio at Najorda ay idinistansiya ang Davao-Cocolife sa krusyal na yugto tampok ang kanilang walang mintis na birada sa foul line hanggang sa umabot nang 6 puntos ang lamang matapos ang two-minute mark at itinala ang ikatlong panalo sa 6 na asignatura dahilan upang mabuhayan ang kanilang kampanya sa next round ng torneong inorganisa ni Sen. Manny Pacquiao.
“Galing kaming nag-team building matapos matalo nang tatlong sunod,so focused lang kami before this game,”wika ni Custodio na kumamada ng 13 puntos, 10 rebounds at 4 na assists sapat na upang tangahaling MVP ng naturang laro.
“Pasalamat ako sa muling tiwala nina coach Don Dulay at managers Bhong Bharibar at Ray Alao kaya mataas ang ating motibasyon ngayon”.