“FEELING ang galing-galing umarte, waley naman.” Ito ang nagkakaisang sinabi ng matataray na patnugot ng diyaryo tungkol sa isang artista, na kung makapagkuwento tungkol sa mga ginampanan niyang papel sa teleserye at pelikula ay nagagalingan siya sa sarili niya.
Nang una naming makapanayam ang artistang ito ay mabait at maayos naman, pero dahil marami siyang projects at maraming isyu sa kanya kaya natural lang na paulit-ulit siyang tinatanong tungkol sa mga ito, na paulit-ulit din niyang sinasagot.
Hanggang sa nagsawa na siguro siyang magsasagot kaya pabalang na siyang sumagot sa mga itinatanong sa kanya ng entertainment media, bagay na hindi dapat.
Gusto naming intindihin ang artistang ito dahil baka may pinagdadaanan siya, o kaya hindi maganda ang gising nang makatsikahan siya ng ilang katoto. Pero dahil nga public property siya, at may pino-promote na project, eh, dapat maayos ang mga pananalita niya.
‘Yung ibang artista nga, gustung-gustong nai-interview maski na hindi nila gusto ang mga tanong, kasi katwiran nila nagma-matter pa rin sila at binabasa pa rin sila sa mga pahayagan.
Samantala, ang artistang bida sa blind item namin ngayon, eh, ‘tila ayaw na natatanong ng media. Baka gusto na niyang magpahinga siguro, eh, ‘di wag na siyang magpa-interview at all.
Tulad ng ginagawa ng ilang Star Magic talents na kapag ayaw magpa-interbyu pagkatapos ng grand presscon ay hinihila na kaagad sila ng kani-kanilang handlers, at sinasabing may pupuntahan o may shooting/taping pa maski wala naman.
Alam na alam namin ang ganitong alibi dahil kami mismo ang nakakarinig ng usapan nila ng kanilang handlers o road managers.
Kaya payo namin sa artistang ito, na ayaw na natatanong ang personal niyang buhay, eh, pagkatapos ng premiere night o presscon ay umalis na kaagad siya para hindi ma-interbyu. Eh ‘di walang gulo.
At dahil sa ugaling ito ng artista, hayan, nasabihan tuloy siya ng mga patnugot na matataray at movie reviewer pa, bukod pa sa miyembro ng kilalang organization na may kinalaman sa pelikula na “feeling ang galing-galing umarte, waley naman!”
Aray ko!
-Reggee Bonoan