Dalawang lalaking kapwa hinihinalang tulak ng ilegal na droga, na kinabibilangan ng suspek sa pagpatay sa isang opisyal ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) kamakailan, ang kapwa nasawi nang manlaban umano sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Maynila.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) director, Police Chief Supt. Rolando Anduyan ang mga napatay na sina alyas Ivan/Dodong, 45, na sinasabing kasama sa drug watchlist at suspek sa pagpatay sa MTPB personnel na si Tranquilino Buelga; at si Adrian Acuzar, nasa hustong gulang.

Sa ulat ng MPD-Moriones Police Station 2 (PS2), nagkasa ng buy-bust operation laban kay Ivan/Dodong sa Gate 17, Parola Compound, Tondo, dakong 11:20 ng gabi kamakalawa.

Nanlaban umano si Ivan/ Dodong kaya nabaril at napatay ng awtoridad.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinasabing kabilang din si Ivan/ Dodong sa drug watchlist ng pulisya at may nakabimbing warrant of arrest sa kasong murder dahil sa pamamaril at pagpatay kay Buelga, 61, officer-in-charge (OIC) ng MTPB Task Force Parola, noong Abril 18, 2018.

Narekober mula sa suspek ang isang pakete ng umano’y shabu, isang cal .45 pistol na may mga bala, isang asul na sling bag, at P200 marked money.

Sa ulat naman ng MPD-Malate Police Station 9 (PS9), napatay ng mga tauhan ng SDET si Acuzar sa buy-bust operation sa Arellano Avenue, Zapanta Street, kanto ng Pag-asa St., sa Malate.

Isinugod pa sa ospital ang suspek, ngunit dead on arrival.

Narekober mula kay Acuzar ang isang baril, pitong pakete ng umano’y shabu, at P400 marked money.

-Mary Ann Santiago