ANO ba ito talaga, kuya?
Single-only? No-passenger? O driver-only ban?
Sari-saring bansag ang ginagamit hindi lamang ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngunit maging ang media sa High Occupancy Vehicle scheme o HOV.
Parang ‘number coding’ lang ‘yan kung saan ang opisyal na tawag dito ay Unified Vehicle Volume Reduction Scheme o UVVRS.
Karaniwang mas gusto nating tawagin ang isang programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng ‘palayaw’ nito upang mas madaling tandaan.
Subalit sa kaso ng HOV, tila mas nakalilito dahil sa dami ng palayaw na gustong gamitin ng ‘magagaling’ at ‘matatalino’ sa iba’t ibang sektor.
Bakit hindi na lang nating hayaan ang gobyerno na magbansag dito upang iisa na lamang ang ating isasaulo.
Bukod sa itatawag sa bagong programang pang-trapiko na ito, magulo rin ang nakaambang pagpapatupad nito.
Kahapon isinagawa ang dry run sa HOV. Bagamat hindi pa nanghuhuli ang mga traffic enforcer, pinag-aralan nila ang dami ng mga sasakyang driver lang ang laman na dumaraan sa EDSA.
Sa madaling salita, ngayon pa lang nila ito pinag-aaralan.
Hanep talaga!
Sandali lang po at kikilatisin ko lang muna ang blood pressure ko.
Hayan na! 160-90!
Ang mas nakababahala rito ay ang opisyal na pagpapatupad nito na ikinasa sa Agosto 23.
Handa na ba kayo sa ‘happy hour’?
Pustahan tayo’t salasalabat na naman ang trapik sa EDSA sa Agosto 23 – rush hour man o hindi – bunsod ng HOV.
Pustahan tayo’t bubuhos ang mga sasakyan sa C-5 at ibang secondary roads upang umiwas sa EDSA.
Parang mga langgam ang mangyayari sa mga sasakyan at siguradong malaking gulo sa lansangan ang kahihinatnan nito.
Sa pahayag ng MMDA, no-contact policy ang gagamitin nilang pamamaraan sa paghuli sa mga lalabag sa HOV.
Kaya sa mga dumaraan sa EDSA, wag na kayong magulat kung may dumating sa inyong abiso na may babayaran kayong traffic citation ticket dahil sa HOV.
Maraming motorista ang pumapalag.
Nandiyan na ang number coding scheme, yellow line policy, motorcycle lane, provincial buses ban etcetera etcetera. At ngayo’y dinagdagan pa nito.
Ang tanong: Ano na ang nangyari sa apat na regulasyon na ating nabanggit? Naipatutupad ba ang mga ito nang mahusay?
O nabaon na rin sa limot?
Tinangka na rin ng gobyerno na magtalaga ng mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group sa EDSA. Ano nga ba ang dahilan kung bakit kumakaunti na ang mga HPG sa EDSA?
Meron pa ba tayong inaasahang mga eksperimento sa mga susunod na araw?
-Aris Ilagan