SA pagtatapos ng The Blood Sisters bukas ay inamin ng bida ng teleserye na si Erich Gonzales na talagang sobrang challenging para sa kanya ang ginagampanan niyang tatlong karakter bilang sina Erika, Carrie at Agatha.
“We started taping last year at ang masasabi ko lang po ay dapat buo ang puso mo para gampanan ang tatlong karakter na hindi ka malilito.
“Isa pang nakaka-challenge ay ‘yung taping namin kasi hand to mouth kami ngayon, tapos nandiyan pa ‘yung weather na minsan hindi pa nakikisama. ‘Yung health natin minsan bumabagsak na talaga ‘yung immune system natin. But then hindi ‘yun excuse, na kahit may sakit ka, nilalagnat ka o wala kang boses, you have to deliver, ‘yun talaga ‘yun. ‘Yung commitment mo sa trabaho mo, dapat nandoon talaga 100%.
“Hindi po biro ang mag-portray ng tatlong characters lalo na kung iba’t ibang personalities sila, iba-ibang mukha, hindi ka lang magpapalit ng wig or what, buong make-up talaga. Minsan no make-up, minsan lalagyan, exchange-exchange and you have to memorize your lines.
“But masaya po ako na sila (Tessie Tomas, Dina Bonnevie, Cherie Pie Picache, Ejay Falcon, at Jake Cuenca) po ‘yung nakasama ko rito, dahil kahit gaano ka-toxic or stressful oar super hirap ‘yung The Blood Sisters, nakaya naman po natin. Tulung-tulong po kami rito,” mahabang kuwento ng aktres na halatang kulang sa tulog.
Sa ginanap na Threelling finale ng The Blood Sisters ay wala ang ibang cast tulad nina Enchong Dee (patay na ang karakter), Jestoni Alarcon, Maika Rivera, Pamu Pamorada, Thou Reyes, Ogie Diaz, Ian de Leon, Dante Rivero, at iba pa.
Natanong din ang aktres kung sino ang pinakasikat sa tatlong karakter na ginagampanan niya, si Erika, si Carrie, o si Agatha, base sa nababasa niya sa social media.
Naikuwento ni Erich na nagkaroon daw ng online voting ang fans.
“Parang may nakita ako na sino ang mas sikat, si Carrie ‘yung una and then naging Agatha na rin, iba-iba naman siguro. Depende sa tao kung sino ang gusto nila.”
Sino sa tatlong karakter ang pinakanahirapan si Erich na gampanan?“Mahirap lahat, kasi iba-iba ‘yung pinanggagalingan nilang tao. Pero ako po sobrang na-enjoy kong i-portray si Agatha. Kasi Agatha is very funny, and nakaka-adlib po ako sa kanya or napapagana po ‘yung utak ko kapag nagla-lines na si Agatha. Pero siyempre kailangan kong ipaalam kina Direk (Jojo Saguin at Roderick Lindayag) kung okay ba ‘tong sasabihin ko or can I add this. Siyempre kung may mga inputs tayo kailangan nating tanungin kung okay lang. And okay naman po sa kanila, collaboration po para maayos ‘yung trabaho namin,” kuwento ng dalaga.
Sino kina Erika, Carrie, at Agatha ang personalidad ni Erich sa tunay na buhay.
“Lahat po silang tatlo, mayroong Erika, Agatha and Carrie in me,” napangiting sagot ng aktres.
Inamin din ni Erich na ang The Blood Sisters ang pinakamahirap na nagawa niya.
“Ito po ang sumubok talaga sa ating kakayahan bilang artista, bilang tao. Ibang klaseng patience po ito dahil paulit-ulit pong gagawin ang eksena, ‘yung presence of mind, ‘yung discipline, lahat-lahat ng natutunan ko sa Blood Sisters.”
Nabanggit dati sa amin ni Erich na stressed siya sa karakter na Agatha.
“Kasi po minsan okay siya, tapos biglang iba na naman ang ihip ng hangin sa kanya. So medyo baliw-baliwan talaga siya, kaya importante talaga ‘yung focus, kasi baka si Erika baliw-baliwan na rin. So malilito ka na, pati mannerisms nila or kung paano sila magsalita, pero kinaya ko naman po,” masayang sabi ng aktres.
At base na rin sa trailer ng TBS ay makikitang naging iisa ang itsura nina Erika at Carrie dahil naging Agatha na silang tatlo para lituhin ang sindikatong pinamumunuan nina Fabian (Dante), Greg Solomon (Ian), at Roco (Jake Cuenca) para iligtas ang nanay nilang si Adelle (Cherie Pie).
“Tatlong Agatha po ang makikita nila sa finale at kahit ako po, natsa-challenge kasi hindi mo alam kung paano sila madi-differentiate kasi isang mukha, isang hair, isang damit, same makeup. Kaya dapat alam ko kung sino itong karakter na ito. Nakaka-excite po talaga,” masayang sabi ng dalaga.
Tinanong namin kung may mamatay sa magkakapatid. “Ay, wala po, buhay na buhay sila.”
Samantala, isang linggo lang magpapahinga si Erich pagkatapos ng The Blood Sisters dahil may sisimulan na kaagad siyang pelikula na hindi niya binanggit kung ano, pero ibang genre naman daw kaya excited siya.
“Kakaibang story po ito. ‘Pag okay na saka ko palang ikukuwento sa inyo. Sabi nga nila pahinga ako kasi bumibigay na ang katawan natin, pero gusto ko po talagang magtrabaho,” nakangiting pagtatapos ni Erich.
-REGGEE BONOAN