MATAPOS ang samu’t-saring ispekulasyon, nakamit ni Fil-Am Jordan Clarkson ang minimithing makalaro sa Team Philippines sa 2018 Asian Games.

Marami ang natuwa, ngunit, higit ang kasiyahan ng ama ng Cleveland Cavalier guard sa katuparan nang matagal nang pangarap ng anak na makalaro sa international competition para sa bandila ng Pilipinas.

“I’m extremely proud Jordan remained persistent and determined in his goal of representing his Filipino heritage,” pahayag ni Mike Clarkson sa panayam ng Manila Bulletin Sports, sa pamamagitan ng family-friend at pamosong player-agent na si Ms. Sheryl Reyes.

Matagal nang niluluto ng Samahang Basketball ng Pilipinas na makuha ang serbisyon ni Clarkson, ngunit, bigo ang sambayanan sa nakalipas na mga taon.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa pagkakataong ito, umayon ang tadhana kay Clarkson.

Tumulak kahapon patungong Jakarta si Clarkson, kasama ang ama na si Mike at agent niyang si Jeff Austin (agent din ni NBA two-time MVP Steph Curry).

Bukod sa paglalaro sa PH Team, nakumpirma rin sa Philippine Olympic Committee (POC) na siya ang ‘flag bearer’ ng delegasyon sa tradisyunal na parada sa opening ceremony.

“The distinguished honor of being the flag bearer for the Philippines contingent is truly a blessing and something our family will always remember,” sambit ng matandang Clarkson.

“I expect Jordan to have fun and give his best to make his Filipino nation proud. His excitement and infectious smile will be on full display. What beats playing for millions of loyal die-hard fans who love you dearly.”

Inaasahang darating si Clarkson sa Jakarta Huwebes ng hapon at posibleng hindi makaabot sa laro ng PH Team laban sa Kazakhstan. Sunod na haharapin ng Pinoy ang China sa Agosto 21.

-ERNEST HERNANDEZ