NOON pa man, sa tuwing tinatanong si Edu Manzano tungkol sa pakikipagrelasyon ng kanyang mga anak, never talagang nagsalita ang beteranong aktor tungkol sa buhay pag-ibig ng kanyang mga anak, o sa isyu kung kailangan na bang lumagay sa tahimik ang mga ito.

Edu Manzano

Kilala bilang strict at disciplinarian sa mga anak si Edu pagdating sa usaping-pag-aaral. Gaya ng ibang magulang, gusto niyang makapagtapos sa pag-aaral ang kanyang mga anak bago sundan ang kanyang yapak sa showbiz o mag-asawa kaya.

Kaya naman sa usapin ng pakikipagrelasyon ng mga anak, lalo na sa panganay niyang si Luis Manzano ay never talagang nakialam si Edu—na may mahalagang role ngayon sa FPJ’s Ang Probinsiyano.

Tsika at Intriga

'Back to you mamang!' Chloe, rumesbak kay Ai Ai matapos hiwalayan ni Gerald?

Katwiran ni Edu, nasa tamang edad na si Luis para mag-asawa, pero sa kabila nito, never siyang nagkomento tungkol sa love life ng anak nila ni Congresswoman Vilma Santos.

“I don’t know. Actually, pagdating dun sa aspetong ‘yun, hinding-hindi ako nakikiaalam sa kanila, dahil nasa tamang edad naman sila, eh,” sabi ni Edu, idinagdag na masaya siyang pawang inuna ng tatlo niyang anak ang pagtatapos ng pag-aaral.

Aniya, ang desisyon ng kanyang mga anak tungkol sa taong mamahalin nila ay personal at kailangan niyang irespeto.

“Kung ano man ‘yun, hindi dapat makialam ang magulang,” giit ni Edu.

Sa tingin ba niya, late ang pag-aasawa for Luis—na kase-celebrate lang ng second anniversary with Jessy Mendiola noong June?

“Iba na rin ang dynamics ngayon, eh. ‘Yung iba, mas binibigyan muna ng importansiya… ang prioridad ‘yung kanilang career, ‘yung kanilang mga propesyon.

“Yung iba, gustong handang-handa bago sila... kumbaga tumalon sa kumunoy. Gusto nilang maging financially stable, gusto nila na sigurado sila na tama sila para sa isa’t isa.”

Pero hindi naman daw minamadali ni Edu si Luis na mag-asawa para magkaapo na siya.

“So, hindi natin kailangang bigyan ng pressure o madaliin, eh. So, sa tamang panahon ‘yun,” sabi ni Edu sa panayam ng PEP sa trade launch ng bagong animé drama series na Barangay 143, kamakailan.

Si Edu ang isa sa maglalapat ng boses sa isa sa mga karakter ng kauna-unahang animé series sa bansa, na ipalalabas sa GMA-7 simula sa October 2018.

Balik sa paggawa ng teleserye si Edu, ngayon sa pamamagitan ng ABS-CBN primetime series na Ang Probinsiyano.

Aminado rin ang aktor na na-miss niya ang pag-arte.

“Oo, actually. Hindi ko nami-miss ‘yung oras, kasi siyempre ‘yung puyat. Pero andun pa rin ‘yung mga kaibigan. Nandun ‘yung mga nakasama mong direktor, ‘yung pressure.

“Maganda din talaga yung pag-arte dahil nailalabas mo ‘yung kung anuman na meron kang mga saloobin, eh. So, ito ay isang bagay na over 30 years na ako na nasa entertainment industry.”

Naiisip na ba ni Edu na magretiro?

“Siguro, another 30 na lang siguro, ‘tapos magreretiro na ako,” biro niya.

-ADOR V. SALUTA