MAAGANG Pamasko ang naghihintay sa atletang Pinoy na makapag-uuwi ng medalya mula sa 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Sa media conference kahapon, sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez na maglalaan ang ahensiya, gayundin ang Philippine Olympic Committee (POC) at Siklab Atleta Pilipinas Sports Foundation, ng hiwalay na cash incentives.
Batay sa Athlete Incentives Act, tatanggap ang Asiad medallists ng P1 milyon (gold), P500,000 (silver) at P100,000 (bronze).
Ayon kay Ramirez, karagdagang P5 milyon ang makukuha ng gold medal winner sa Jakarta Asiad matapos magdesisyon ang PSC Board ng dagdag na P2 milyon, gayundin ang POC (P2 milyon) at P1 milyon mula sa Siklab Foundation.
“We want to help fuel the country’s dream of global recognition in sports. Through this incentive, we hope to motivate and inspire our athletes to excel and bring pride to our country,” pahayag ni Dennis Uy, chairman ng Siklab foundation at Presidential adviser on sports.
Sinabi ni Uy na nararapat lamang na bigyan ng kaukulang insentibo ang mga atleta bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo para sa bayan.
“To our athletes, your hard work and determination to excel despite adversities is an inspiration to your fellow Filipinos. You can count on the support of Siklab as you represent the best of our country to the world,” ayon pa Kay Uy.
Makakataggap din ng dagdag na insentibo ang mga silver at bronze medalist, ngunit inaayos pa ang halaga para sa kanila.
-Annie Abad