NAKASANAYAN na natin ang pagbaha sa maraming kalsada tuwing panahon ng tag-ulan. Ngunit naiiba ang nangyari nitong Sabado. Itinapon ng malalakas na alon ang sangkaterbang basura mula sa Manila Bay at natambak sa kahabaan ng Roxas Boulevard mula Pedro Gil hanggang Vito Cruz.
Ilang linggo na nating nararanasan ang malalakas na pag-ulang dala ng southwest monsoon o habagat—na umiihip sa bahaging ito ng taon, at naghahatid ng mga tubig na nasipsip mula equatorial seas sa timog-kanluran ng Pilipinas. Ang mga ulang ito ay pinalakas ng sunud-sunod na bagyo na nananalasa mula sa Pasipiko sa silangan, hindi tumatama sa kalupaan, ngunit higit na nagpalakas sa habagat kumpara sa normal nitong hangin.
Ilan taon na ang nakalipas nang itayo ang mga underground canal sa ilalim ng Espana, na nagsilbing paagusan upang mabilis na makadaloy patungong Manila Bay ang tubig mula sa mga malalakas na pag-ulan at pagbaha sa Quezon City at kalapit nitong mabababang lugar. Ngunit hindi kinaya ng mga kanal ang mahabang oras na pag-ulan at tila naging isang dagat ang bahagi ng Espana nitong Sabado. Kasama ng iba pang maraming kalsada na nalubog din sa baha, nagkabuhol-buhol ang trapiko sa buong Metro Manila.
Ang basurang natambak sa Roxas Boulevard ay lumikha ng panibagong problema na matagal nang tukoy ngunit hindi nabibigyan ng aksiyon. Ang buong Manila Bay ay puno ng basura, na karamihan ay plastik. Isang problemang ibinabahagi natin sa buong mundo. Milyun-milyong produkto ng single-use plastic—straw, wrappers, bags, laruan, sirang radio, TV at iba pang appliances—ang itinatapon kada araw at napupunta sa mga kanal, ang ilan ay sa tambakan ng basura, ngunit karamihan ay sa mga ilog at karagatan sa mundo.
Ang basurang ibinalik ng Manila Bay sa Roxas Boulevard nitong Sabado ay isang paalala sa atin sa problemang hindi naaksiyunan sa mga nakalipas na taon. Higit na malala sa plastik, ang dumi mula sa milyong bahay sa mga bayan at lungsod sa paligid ng Manila Bay ang nagdulot ng polusyon dito, dahilan upang ipagbawal ang paglangoy dito dulot ng banta ng sakit na maaring makuha.
Malaking bahagi ng problema ang natural na papasanin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Sa budget hearing sa Kamara nitong nakaraang linggo, muling naungkat ng ilang kongresista ang hinggil sa suliraning ito, ngunit walang natanggap na anumang kasiguraduhan mula sa mga opisyal ng ahensiya.
Noong 2008, ipinag-utos ng Korte Suprema sa 13 ahensiya ng pamahalaan, sa pangunguna ng DENR, ang “to clean up, rehabilitate, and preserve Manila Bay,” at ang Department of Interior and Local Government (DILG) na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan sa paligid ng Manila Bay, para sa tunguhing matigil ang pagtatapon ng basura at dumi sa mga ilog na dumadaloy patungo sa Manila Bay. Walang kahit anong tugon ang nangyari sa kautusang ito ng korte.
Ngayon, natanggap natin ang paalaala sa kawalang-aksiyon mula sa mga basurang itinapon pabalik sa atin ng Manila Bay nitong Sabado. Isang malakas na kapasyahang pulitikal ang ating ipinakita nang isara ang Boracay dahil sa pagiging “cesspool” nito. Umaasa tayong makita natin ang ganitong kalakas na aksiyon para sa problemang higit na mas malapit dito sa atin.