Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na makakampante lang siyang bumaba sa puwesto kung ang Bise Presidente at papalit sa kanya ay si Senator Francis Escudero o si dating Senador Bongbong Marcos, at hindi si Vice President Leni Robredo.

Ito ang inihayag ng Presidente nang sabihin siyang nagsasawa na siya sa paglaban sa kurapsiyon, at nagpahayag ng pangamba na hindi na niya matutupad pa ang ipinangako niyang tutuldukan ang katiwalian sa pamahalaan.

Sa kanyang speech sa close-in event nitong Martes ng gabi, sinabi ni Duterte na handa na siyang bumaba sa puwesto dahil aminado siyang hindi na niya mawawakasan ang kurapsiyon sa panahon ng kanyang pamumuno.

“Ako po ay sawa na. What is inside me is not really anger kasi wala ka talagang magawa, eh. It’s the frustration that I cannot comply with my promise number one—corruption,” anang Presidente.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, nagpahayag ng pagdududa si Duterte na gaya niya, hindi rin ito kakayanin ng hahalili sa kanyang si Robredo. Aniya, bababa sana siya sa puwesto kung sakali lang na iba ang nanalong bise presidente, at hindi si Robredo.

“I think deep in my heart, if you follow the succession and Robredo takes over, hindi niya kaya,” sabi ni Duterte.

“Hindi niya kaya, that’s my honest opinion ko lang. Kung na sino lang sana diyan, in the likes of [Senator Francis] Escudero or [former Senator] Bongbong Marcos.

“Wala akong galit kay Robredo. Panalo na ako. Hindi ako nakikipag-away ng babae. Hindi nga ako sumasagot kung ano ang sinasabi nila.”

Binanggit din ng Pangulo na ang pinagmulan ni Robredo, ang Naga City sa Camarines Sur, ay isa umano sa mga pugad ng ilegal na droga sa bansa.

“I know at the time, for several years, I don’t want to mention names, Naga was the cradle of civilization. And it was there. And you can ask the Naga guys and the Naga addicts,” ani Duterte.

Paiba-iba ang pahayag ni Duterte tungkol kay Robredo. Noong nakaraang buwan, minaliit niya ang kakayahan ng Bise Presidente na inilarawan niyang “incompetent”, pero noong nakaraang linggo lang ay tinawag naman niyang “good” si Robredo.

Samantala, ipinagkibit-balikat lang ng kampo ni Robredo ang huling pahayag ni Duterte tungkol sa kawalang kakayahan ng Pangalawang Pangulo.

“Kanya na ‘yung endorsement niya, sumunod na lang tayo sa Konstitusyon,” saad sa pahayag ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, sa mga mamamahayag.

Kasabay nito, sarkastikong nagbigay-halimbawa si Gutierrez sa mga “competent” na opisyal na itinalaga ni Duterte sa gobyerno.

“Mga ‘competent’ ayon sa Pangulo: Tourism Sec na walang ginawa kundi mangurakot, NDRRMC head na nawawala kapag baha, NFA chief na naubusan ng bigas,” ani Gutierrez, tinukoy sina dating Tourism Secretary Wanda Teo, at National Food Authority Chief Jason Aquino.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at RAYMUND F. ANTONIO