HINDI natinag sa malakas na ulan at hanging dulot ng habagat ang mga kabataang volunteer at miyembro ng non-government organization para ituloy ang malawakang tree planting activity, kamakailan.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Youth Day ng Ilocos Norte, mahigit 500 kabataan ang nakiisa sa pagtatanim ng 3,000 seedlings malapit sa mga watershed at mga nakatiwangwang na lote na dating naapektuhan ng grassfire sa mga bayan ng Carasi, Vintar, at Pasuquin.
Ayon kay Estrella Sacro, project manager ng Barangay Ranger Officers sa ilalim ng Environment and Natural Resources Office (ENRO), ngayong tag-ulan ay libu-libong suwi (saplings) ng puno ang ipinamahagi ng kanilang opisina sa ilang paaralan at pampubliko at pribadong organisasyon na pumapayag na magtanim ng mas marami pang puno.
Kabilang sa mga pinakabagong tumanggap, aniya, ay mga grupo ng mag-aaral, pulisya at 4-h Club na matapang na sinuong ang masamang panahon at umakyat sa kabundukan upang magtanim ng mga ‘indigenous tree saplings’ sa ilang tigang na lugar sa probinsiya.
Para kay Senior Provincial Board Member Matthew Joseph Manotoc, ang idinaos na tree-planting activity ay isang “clearly manifests the youth’s concern in protecting the environment.”
Umaasa rin siya na maipagpapatuloy ang ganitong aktibidad para sa mayabong at maunlad na probinsiya.
Simula nang ilunsad ang proyektong “Green Wall” ng Ilocos Norte, tatlong taon na ang nakalilipas, napanatili ng probinsiyal na pamahalaan ang pagkuha ng mga Barangay Ranger Officers (BRO) mula sa mga bulubunduking bahagi ng probinsiya upang paramihin ang mga katutubong uri ng puno at itanim ang mga ito. Ito na ngayon ang ipinamamahagi sa mga interesadong grupo na tumutulong sa pagpapaganda at pagpapayabong ng mga nakatiwangwang na lote sa probinsiya.
Matatandaan na unang nakatanggap ang Green Wall ng P60 milyong pondo upang protektahan ang mga dam at pasilidad ng irigasyon sa probinsiya. Kabilang dito ang ma pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Ilocos Norte, partikular sa mga bayan ng Solsona, Marcos, Nueva Era, Dingras, Vintar at mga lungsod ng Batac at Laoag City.
Nitong nakaraang taon, iniulat ng ENRO na nasa 8,000 ektarya ng kagubatan ang napasailalim sa ilalim ng proyekto.
PNA