Mahigit 2,953 motorista ang natukoy na lumabag sa dry run para sa High Occupancy Vehicle (HOV) traffic scheme sa EDSA, simula sa North EDSA sa Quezon City hanggang sa Magallanes sa Makati City, kahapon.
Nilinaw kahapon ni Celine Pialago, tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na walang huhulihin, sisitahin, o iisyuhan ng ticket sa isang linggong dry run para sa naturang polisiya, na nagsimula kahapon.
Aniya, layunin lang ng dry run na matukoy ng MMDA kung may pagtalima ang maraming motorista sa nasabing traffic scheme, na opisyal na ipatutupad sa Agosto 23.
Dakong 7:00 ng umaga ay maagang nagpakalat ang MMDA ng mga tauhan sa EDSA upang maglista ng mga plaka ng sasakyan na lumabag sa bagong traffic scheme, bagamat ang high-definition camera o closed circuit television (CCTV) ang talagang magsasagawa ng panghuhuli sa mga pribadong sasakyan, kapag aktuwal nang ipinatutupad ang HOV.
Aminado naman ang mga tauhan ng MMDA na nahirapan sila sa paglilista ng mga lumabag sa HOV dahil heavily tinted ang ilang sasakyan, at karamihan ng pribadong sasakyan ay nasa inner lane at mabibilis ang takbo.
Ang mga natukoy na lumabag ay inatasang gamitin ang unang exit intersection, kumanan o kumaliwa, upang lumabas ng EDSA, habang pinapayagan naman ang mga itong tumawid sa EDSA intersections.
Ayon sa MMDA, sa ilalim ng HOV, ang driver-only vehicles ay pinagbabawalang dumaan sa EDSA simula 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga, at 6:00 ng gabi hanggang 9:00 ng gabi, ng Lunes hanggang Biyernes.
-Bella Gamotea