MILAN - Patuloy ang paghahanap ng mga Italian rescuers sa mga posibleng nakaligtas sa pagguho ng isang tulay sa kasagsagan ng pag-ulan sa Genoa, Italy, nitong Martes, kung saan nasa 30 katao ang nasawi.
Sa ulat, dose-dosenang sasakyan ang bumagsak sa 100-metrong lalim (330 talampakan) at napisa sa malalaking pitak ng semento at mga bakal mula sa bahagi ng Morandi bridge, na sinasabing nagdurugtong sa Genoa at sa mga lungsod sa hilagang bahagi ng eastern Liguria patungong France.
Nangyari ang insidente habang isinasailalim sa maintenance work ang tulay.
Sinabi naman ni Italian Premier Giuseppe Conte na, “an immense tragedy ... inconceivable in a modern system like ours, a modern country” ang nangyaring insidente. “We must not allow another tragedy like this to happen again,” dagdag niya.
Bagamat, isinisisi sa mahinang istruktura, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa maaaring dahilan ng pagguho. Habang sinabi naman ni Transport Minister Danilo Toninelli na “unacceptable” ang nangyaring insidente at “whoever made a mistake must pay.”
Samantala, agad na nagpadala ang Konsulado ng Pilipinas sa Milan ng mga opisyal sa Italy upang alamin kung may Pilipinong nadamay sa pagguho ng tulay.
Sa ulat ni Consul General Irene Susan Natividad sa Department of Foreign Affairs (DFA), i-dineploy sina Welfare Office Jocelyn Hapal at Sylvia de Guzman, opisyal ng CMT, sa Genoa upang matiyak ang kalagayan ng mga Pilipino sa lugar.
Samantala, pinayuhan naman ng mga opisyal ang isang Pinay at mister nitong Italian na lumikas mula sa paanan ng tulay.
Nabatid na binisita na nina Hapal at De Guzman ang dalawang pagamutan na pinagdalhan sa mga biktima at kinumpirmang walang Pinoy na nadamay sa naturang insidente.
-Ulat ng AP at AFP at ulat ni Bella Gamotea