Natagpuang palutang-lutang ang bangkay ng isang nawawalang oiler sa Manila Bay sa Port Area, Maynila, kamakalawa.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) director, Police Chief Supt. Rolando Anduyan ang biktima na si RJ Masuecos, 26, oiler ng isang kumpanyang matatagpuan sa Barangay San Francisco Brookside Lane, General Trias, Cavite, at tubong Bañaria Street, Poblacion Barotac, Iloilo.

Sa ulat ni SPO3 Mario Asilo kay Police Senior Insp. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nadiskubre ang bangkay ng biktima sa Baseco Compound, sa Port Area, bandang 11:00 ng umaga kamakalawa.

Sa salaysay ni Rocky Seminiano, kadete sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ng biktima, bago nawala si Masuecos ay nagkayayaan sila ni Masuecos na bumili ng tanghalian sa Baseco Market habang nakadaong ang kanilang barge noong Agosto 12, 2018.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, habang naglalakad na umano sila pabalik sa barge ay hinampas sila nang malakas na alon kaya nabuwal sila sa dagat.

Nagawa umano ni Seminiano na makalangoy at makakapit sa isang konkretong pavement, ngunit nang hanapin si Masuecos ay hindi na niya ito matagpuan.

Humingi ng tulong si Seminiano sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), ngunit bigo silang matagpuan ito.

-Mary Ann Santiago