ANG digmaang Pilipino-Amerikano ay hindi tanyag sa henerasyon ng mga Pilipino na nabuhay sa pagpasok ng ika-20 siglo, sa mahabang dekada ng kolonyal na pamumuno ng Amerika, ang pananakop ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang kalayaan ng Pilipinas noong 1946.
Sa nagdaang mga taon na ito, kinilala ang mga Amerikano bilang isang kaibigan at kakampi, na nagpakilala ng ating kasalukuyang sistema ng edukasyon, na nagtatag ng pamahalaan katulad ng Estado Unidos, ng isang Konstitusyong nagbibitbit ng mga pangunahing prinsipyo ng Konstitusyon ng US at ng Bill of Rights nito. Sumabak tayo sa WWII bilang magkaalyado kontra sa mga Hapon. Milyun-milyong Pilipino ang nagtungo upang manirahan at magtrabaho sa US; nasa dalawang milyon sa mga ito ang kasalukuyang naninirahan doon.
Nakarating ang mga Amerikano sa Pilipinas dahil sa pakikipaglaban nito sa Espanya. Naglayag patungo ng look ng Maynila ang isang hukbo ng Amerikano na pinamumunuan ni Admiral George Dewey kung saan tinalo nito ang hukbo ng Espanya noong Mayo 1, 1898, kasunod ng pagdaong ng tropang Amerikano. Gayunman, kasabay ng panahong ito nagwawagi na ang mga Pilipinong Rebolusyonaryo sa ilalim ni Heneral Emilio Aguinaldo sa rebolusyon nitong inilunsad noong 1896. Inihayag niya ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12,1898, isang buwan makaraan ang pagdating ng mga Amerikano.
Pinili ng Espanya ng sumuko sa Amerika sa halip na sa mga Pilipinong rebolusyonaryo sa pamamagitan ng Kasunduan sa Paris noong Disyembre 10, 1898. Nagharap ang tropa ng Pilipino at Amerikano sa sumunod na tatlong taon sa Digmaang Pilipino-Amerikano na nagtapos noong Marso 2, 1901, kasama ng pagkakadakip ng mga Amerikano kay Aguinaldo sa Palanan, Isabela.
Sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, nilusob ng mga Pilipinong guerrilla sa pamumuno ni Hen. Vicente Lukban ang kampo ng Amerika sa Balangiga Samar, na kumitil ng 48 at sumugat ng 22 mula sa tropa ng US 9th infantry noong Setyembre 28, 1901. Ito ang pinakamalalang pagkatalo ng hukbong Amerika mula noong maganap ang ‘Battle of Little Bighorn’ laban sa mga Indiyano sa Amerika noong 1876. Kasunod nito ang paghihiganti ng Amerika, kung saan pinatay ng 315 Amerikanong sundalo ang libu-libong Pilipino—na tinatayang nasa 2,500 hanggang 50,000—nang ipatawag ni Hen. Jacob Smith ng Amerika ang tropa nito upang gawing isang “howling wilderness” ang buong Samar. Kalaunan ay isinailalim sa isang court-martial si Heneral Smith mula sa utos ni Pangulong Theodore Roosevelt at sapilitang pinagretiro.
Bilang tanda at alaala ng naganap na labanan, kinuha ng mga Amerikano ang tatlong kampana mula sa simbahan ng Balangiga, na sabay-sabay noong pinatugtog hudyat ng pag-atake ng guerilla noong 1901. Isa sa mga kampana ang kasalukuyang nakalagak sa kampo ng US sa South Korea, habang ang dalawa pa ay nasa base ng Air Force sa Wyoming. Hiniling na ng mga pinuno ng Pilipinas sa Amerika, mula sa pamumuno ni Pangulong Fidel V. Ramos hanggang kay Pangulong Duterte, ang pagsasauli ng mga kampana ngunit maraming opisyal ng Amerika ang tumanggi dito dahil umano sa mapait na alaalang kakabit ng mga ito.
Nitong Linggo, inanunsiyo ng Embahada ng Estados Unidos na nagdesisyon na ang US Department of Defense na ibalik ang mga Kampana ng Balangiga sa Pilipinas. “We have received assurances that the bells will be returned to the Catholic Church and treated with the respect and honor they deserve,” sinabi ni Deputy Press Secretary Trude Raizen ng embahada. “We are aware that the Bells of Balangiga have deep significance to a number of people, both in the United States and in the Philippines.”
Magiging isang magandang pagwawakas ito sa mahaba at mapait na istorya ng mga nangyaring pagpatay sa Balangiga at sa ibang bahagi ng Samar. Isa lamang itong dagdag na alaala sa makasaysayang pangyayari na Digmaang Pilipino-Amerikano na naging daan sa malapit na ugnayang mayroon tayo ngayon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.