MAGKAKASUNOD ang matagumpay na malalaking operasyon ng mga pulis laban sa ipinagbabawal na gamot at iba pang krimen, sa tulong ng mga ginamit nilang “poseur buyer”, na kadalasan ay kanilang na-develop na “asset” mula sa underworld.

Malamang na kung wala ang mga “poseur buyer”, matatagalan kund man madalas ay bokya ang mga “undercover agent” ng pamahalaan sa kanilang mga operasyon – kaya nga napakahalaga ng mga ito sa operatiba ng pamahalaan kaya dapat silang “alagaan” at bigyan ng proteksyon kung kinakailangan!

Nabanggit ko ito dahil sa isang kaso – multi-million pesos na suhulan -- na ngayon ay may “marathon hearing” sa Sandiganbayan upang mapabilis ang pagdinig sa kaso ng taong masasabi kong ginamit na “poseur buyer” ng pamahalaan, batay na rin sa paulit-ulit na pagbanggit at pag-amin sa naturang pagdinig ng mga opisyal mula sa Department of Justice (DoJ) at Bureau of Immigration (BI), na ginamit nila si retired Sr. Supt Wenceslao “Wally” Sombero bilang “undercover agent” sa naturang operasyon.

Nito lamang nakaraang Biyernes, pitong beses binanggit ni retired Chief Supt. Charles Calima, acting BI intelligence chief, sa kanyang pag-testify sa Korte, ang pangalan ni Sombero bilang “source” ng impormasyong naging basehan nila upang isagawa ang “entrapment opns” na naganap noong Nobyembre 25, 2016 hanggang Disyembre 9, 2016.

Nauna pa rito, nang humarap sa witness stand sa Sandiganbayan si BI Commissioner Jaime Morente ay maka-limang beses niya ring binanggit ang pangalan ni Sombero bilang kanilang “asset/insider & highly reliable source” kaya nila isinagawa ang naturang “counter-Intel opns” na personal niyang inaprubahan, at pinangunahan naman ni Calima.

Sina Morente at Calima ay kapwa isinabit sa kaso, kasama si Sombero at iba pang mga opisyales ng DoJ at BI, subalit si Sombero at tatlo pang opisyal lamang ang naipit sa kaso sa Sandiganbayan -- at ito ang may “marathon hearing” ngayon.

Nakatatawang nakaiinis ‘di ba? ‘Yong taong ginamit ng pamahalaan bilang “asset”, na sa aking paniwala ay katumbas ng isang “poseur buyer” (dahil ang binili niya rito ng halagang P50 milyon ay ang kalayaan ng 1,300 expats) ay ang sinampahan ng kaso samantalang ‘yong mga kumausap at kumuha sa kanya bilang “asset” ay naabsuwelto agad!

At ito, ayon sa mga abugado ni Sombero ay kahit na walang plunder complaint na inihain sa Ombudsman; subpoena na galing mismo sa Ombudsman; ‘di pa sila nakapagbibigay ng kanilang “counter-affidavit; at wala pang -preliminary investigation na isinagawa ang Ombudsman.

Matagal-tagal na ring nagdurusa sa piitan ng Quezon City jail extension sa Bicutan, Taguig si Sombero matapos na maisampa sa Sandiganbayan ang kanyang kaso noong Marso 18, 2018, samantalang si Calima at iba pang opisyal ng DoJ at BI na kasama niyang nakasuhan ay pinawalang-sala agad ng Ombudsman.

Dapat mabigyang linaw agad ang bagay na ito upang hindi naman madala ang mga taong tumutulong sa pamahalaan sa paglaban sa krimen at kurapsyon, na nalalagay sa alanganin kapag may mas matataas pang opisyal ng pamahalaan na tatamaan sa kasong tinatrabaho ng mga operatiba.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].

-Dave M. Veridiano, E.E.