NAGKAROON ako ng pribilehiyong magtalumpati para sa 2018 graduating classes ng University of the Philippines (UP) Visayas sa Miagao, Iloilo at UP Cebu noong Hunyo. Masaya kong napagmasdan ang kasiyahang bakas sa mga mata ng mga magsisipagtapos habang ipinagdiriwang ang pagkakakumpleto nila sa apat na taong pag-aaral sa UP. Nag-uumapaw ang kanilang pag-asa at sigla sa inaasahang pagtupad sa kanilang mga pangarap. Hindi magiging madali ang lahat, pero tiwala akong handa ang mga kapwa ko Iskolar ng Bayan sa mga haharapin nilang paghamon.
Ang nakatutuwang karanasang iyon—ang paglalakad sa loob ng malawak na bulwagang punumpuno ng magsisipagtapos, kasama ang kani-kanilang mga magulang, ang mapagmasdan ang pagmamalaki sa mukha ng kanilang mga guro at mga opisyal ng unibersidad, ang mapakinggan ang kanilang pagtawa at makita silang naluluha sa labis na kaligayahan—ay isang sandaling lagi kong ikikintal sa kaibuturan ng aking puso. At nagbunsod ito upang balikan ko ang alaala ng sarili kong mga karanasan tungkol sa mga pagtatapos.
Hindi ang sarili kong pagtatapos sa eskuwela—na maraming taon na ang nakalipas—kundi ang pagtatapos ng aking mga anak. Siyempre pa, ang mga graduation ay tungkol sa mga personal na pagtatagumpay ng mga estudyante. Subalit sisipatin ko ito sa ibang anggulo: Sa karanasan ng isang magulang na nagawang mapagtapos sa pag-aaral ang kanyang anak.
Naniniwala akong ang mga graduation ay isa ring selebrasyon sa panig ng mga magulang. Hindi sa paraang bahagi rin ito ng personal nilang tagumpay, o kaya naman ay simbolo ng mga pagsisikap at sakripisyo na kinailangan nilang gawin upang matiyak na mababayaran nila ang matrikula at maipagkakaloob ang iba pang gastusin ng kanilang mga anak.
Para sa mga magulang, ang graduation ay isang bagay na dapat ipagmalaki dahil sa wakas ay masisimulan na ng kanilang mga anak ang pagpupunyagi para sa sarili nilang tagumpay. Kaya naman kayod-kalabaw ang mga magulang upang mabigyan ng pinakamahusay na edukasyon ang kanilang mga anak.
Ang pagtatapos ng aking mga anak ang naalala ko habang pinagmamasdan ko ang mga estudyanteng magtatapos kasama ang kani-kanilang mga magulang. Ipinagmamalaki namin ni Cynthia ang aming tatlong anak, na nagkani-kanya ng pagpupursige para sa sarili nilang pagtatagumpay.
Naalala ko nang pumasok si Camille sa IESE Business School of the University of Navarra sa Barcelona. Excited kami para sa kanya dahil siya ang pinakabata sa MBA class. Naniniwala akong higit ang pagmamalaki ng mga magulang sa natatamong tagumpay ng kanilang mga anak, kaysa mismong anak.
Lagi kong binibisita si Camille noong nasa Barcelona siya. Bagamat aminado akong labis ko siyang nami-miss, ang madalas kong pagbisita ay dahil na rin sa natutuwa ako sa biyahe ng tren mula sa Madrid patungong Barcelona, at pabalik. Hindi ako ‘yung tipong gustong sumasakay ng tren.
Subalit lubhang nakatutuwa ang biyaheng iyon sa tren sa pagitan ng Madrid at Barcelona. Naaalala ko noong unang beses akong sumakay sa tren, at sumagi sa aking isipan—at sigurado akong ito rin ang maiisip ng karamihan sa mga Pinoy na makararanas sumakay ng tren sa ibang bansa—kung bakit wala tayong ganoon dito sa Pilipinas. Umorder ako ng kape at pinagmasdan ko ang tasa ng mainit at mabangong kape na hindi man lamang gumagalaw sa ibabaw ng platito, kahit nasa mahigit 300 kilometro kada oras ang takbo ng tren. Napabilib talaga ako!
Dumalo rin ang aming pamilya sa pagtatapos ni Mark. Ang una ay sa The Lawrenceville High School sa New Jersey, hanggang sa makumpleto niya ang kanyang bachelor’s degree sa Economics, Political Science and Philosophy sa University of Pennsylvania. Naroon din kami nang magtapos siya ng kanyang master’s degree sa Business Administration sa University of Chicago. Iba ang pakiramdam ng mga magulang habang sinasaksihan ang pagtatagumpay at pag-abot ng kanilang mga anak sa kanilang pangarap. Labis naming ipinagmamalaki si Mark dahil alam naming hindi pa iyon ang huling pagtatagumpay niya, marami pa siyang pangarap na aabutin.
Nagtapos si Paolo sa Wharton School ng University of Pennsylvania, sa Philadelphia. Naroon din kami nang tanggapin niya ang kanyang double degree sa Economics at Engineering noong 1999. Binisita rin namin siya nang magtrabaho siya sa loob ng dalawang taon sa McKinsey & Co. sa Amerika. Natuwa kami nang magpasya siyang magbalik-bansa para magtrabaho sa Vista Land noong 2001.
May mga taong sinusukat ang tagumpay sa pagbibilang ng mga medalya o tropeo na kanilang natanggap, o ang dami ng parangal na iginawad sa kanila. Pero para sa mga magulang, ang sukatan ng tagumpay ay ang personal mong masaksihan ang pag-akyat sa entablado ng iyong anak, para tanggapin ang pinaghirapan niyang diploma bilang simbolo ng ibayo pang pagtatagumpay sa buhay.
May tatlong magagandang dahilan kami ni Cynthia upang makaramdam ng labis na pagmamalaki at pagtatagumpay sa buhay.
-Manny Villar