Apat na katao, kabilang ang tatlong menor de edad, ang kumpirmadong nasawi sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Tondo, Maynila kahapon.
Hindi na muna pinangalanan ng Manila Fire Department ang mga nasawi na edad walo, siyam, at 14, habang ang isa pa ay sinasabing isang 30-anyos na babae, dahil pawang hindi makilala ang mga bangkay ng mga ito dahil sa matinding pagkasunog.
Lumilitaw na dakong 1:57 ng hapon nang magsimulang sumiklab ang sunog sa residential area sa Barangay 118 sa C.P. Garcia Street at Sampaloc Street sa Tondo, at umakyat sa ikalawang alarma.
Hindi pa batid ang pinagmulan ng sunog, ngunit mabilis itong kumalat sa may siyam pang tahanan dahil sa malakas na hangin.
Naideklarang under control ang sunog dakong 3:08 ng hapon, at nang pasukin ito ng mga pamatay-sunog ay dito na nadiskubre ang mga bangkay, sa ikaapat na palapag ng tahanang pagmamay-ari ng pamilya Antoque.
Nakulong umano ang mga biktima sa tahanan matapos na hindi na makarating sa fire exit dahil sa malaki na ang apoy.
May mga sugatan din sa sunog, kabilang ang isang lalaki na nangungupahan sa ikalawang palapag ng tahanan, habang dinala rin sa ospital ang 17-anyos na si Manuel Bermudo, na napilayan nang tumalon mula sa kanilang tahanan.
Sa pagtaya ng mga pamatay sunog, aabot sa mahigit P100,000 halaga ng ari-arian ang napinsala sa sunog, na hindi pa batid ang pinagmulan.
-Mary Ann Santiago