Nagtalaga na ang Philippine National Police (PNP) ng mga tauhan na tutulong upang masiguro ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin, kasunod ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at sa ilang bahagi ng Luzon.

Sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na ipinag-utos na niya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at intelligence units ang pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing produkto sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, at sa iba pang binahang lugar.

“This is to prevent profiteering, hoarding and illegal acts of price manipulation. This augurs well with ongoing PNP efforts in support of the national policy on food security and consumer protection,” ani Albayalde.

“I have directed our unit commanders in these calamity areas to take the initiative in coordinating with local DTI offices to ensure we effectively protect the interests of the general public,” dagdag pa niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Albayalde, mahigpit nilang ipapatupad ang RA 7581, o ang Price Act of 1992, na nagbibigay ng 60 araw na price freeze sa mga pangunahing produkto at pangangailangan, o ang awtomatikong pagkontrol sa presyo kasunod ng pagdedeklara ng state of calamity.

Nitong Linggo, nagdeklara na ng state of calamity sa buong Cavite sa Marikina City, sa Olongapo City sa Zambales, at sa Balanga sa Bataan. Isinailalim na rin sa state of calamity ang mga bayan sa Pangasinan, Nueva Ecija at Tarlac. - Aaron Recuenco