ANG impluwensiya naman ng mga wikang Kastila at Ingles ay kababakasan ng mga salitang mula sa mga wikang Indo-Europeo. Madaling makilala at maibukod ang mga salitang ito, na galing o mula sa Latin at Griyego. May mga salitang nagdaan muna sa Pranses at Aleman. Dapat tandaan na ang Kastila at Ingles, pati Italyano ay mga wikang Romanseng nabuo mula sa Latin-Romano.
Ang Ingles naman ay itinuturing na Anglo-Sahon (Anglo-Saxon). Ang Anglo ay katutubo sa Inglatera at ang bahaging Sahon ay kauri at kamag-anak ng Aleman. Ngunit ang Ingles ay mayroon ding mga impluwensiya sa mga wikang Romano.
Ang mga salitang Malay at Indones, na nasa wikang katutubo sa Pilipinas, ay sinasabing nanggaling sa Kawi at Sanskrito na nababalutan ng Arabe at Persano. Ang mga wikang Latin, Kawi at Sanskrito ay mga wikang patay na, bagamat ang Latin at Sanskrito ay matutunton pa rin sa mga wikang Indo-Europeo at iba pang wika sa daigdig. Ang Kawi ay hindi na sinasalita ng alinmang lahi o lipi, ngunit may mga salitang makikitang natitira pang ginagamit ng mga wikang nasa pangkat ng Malayo-Indonesyo.
Ang mga nabanggit ay ang tinatawag na etimolohiya o pinagmulan ng Pilipino batay sa Tagalog, na ngayon ay tinatawag na Filipino, isa sa mga wikang pauunlarin batay sa itinatadhana ng ating 1987 Constitution na isinusulong ng rehimeng Duterte na palitan o baguhin.
Isang malinaw na pruweba na alinmang wika sa daigdig ay may impluwensiya ng ibang wika. Kung babalikan ang kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, sinliwanag ng sikat ng araw na marami ang dumayo sa ating bansa. Gaya ng mga Intsik at Kastila na nanakop sa bansa nang mahigit na 300 taon.
Sa nasabing panahon ng pananakop at paninikil, natutuhan ng mga ninuno natin at ibang mga bayani ang wika ng mga prayle. Nalaman nilang ang dalang krus at espada ng mga ito ay simbolo na gusto nilang sakupin ang mga Pilipino, maging ang kaluluwa. Kasabay ng pagkatuto ng ating mga ninuno na tumingala sa langit, ang mga ninuno at bayani natin ay nasanay na magsalita ng Espanyol. Isang matibay na pruweba ang pagkakasulat sa wikang Kastila ni Dr. Jose Rizal ng dalawa niyang nobela klasiko na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Nang pumalit ang mga Imperyalistang Amerikano na nanakop nang may 50 taon, ang pagiging Hispanisado ng mga Pilipino sa panahon ng mga Kastila ay naging Amerikanisado. Ang mahigit na 300 taon ng pananakop ng mga Kastila ay nadaig ng limampung taong pananakop ng mga Amerikano. Bukod sa pagkatuto ng Ingles ay na-develop ng mga Pilipino ang “colonial mentality”, bunga ng edukasyong tinanggap mula sa mga Amerikano. Ito ang ugaling hanggang sa kasalukuyang panahon ay marami pa rin ang nakamana, na naging kalaban ng nasyonalismo na isinusulong ng marami nating kababayan.
Ang paggamit ng mamamayan ng mga wikang Kastila at Ingles ay nagbukas sa kanila ng naiibang daigdig at bihirang pagkakataon sa buhay. Ngunit ang mga biyayang ito’y para lamang sampatak na tubig sa gitna ng dagat kung tatakalin, sapagkat ang paggamit ng mga nasa kapangyarihan ng wikang Kastila noong una at ng wikang Ingles ng mga sumunod na panahon ay lumikha ng guwang sa komunikasyon. Ito ang dahilan kung bakit ang pamahalaan ay hindi maunawaan sa kabila ng pagsisikap na maihatid sa bayan ang mga impormasyong makatutulong sa unawaan at sa pagpapaunlad ng katayuan sa buhay ng sambayanan. Ang matataas na pinuno ay naging dayuhan sa kanilang mga kababayan.
Ang pagpapahalaga sa wika at sa pagpapaunlad nito ay naging bahagi na rin sa pamamahala ng lahat ng naging Pangulo ng Pilipinas. May pahayag tungkol sa wika si Pangulong Manuel L.Quezon na sa kanyang marubdob na pagtataguyod sa wika ay kinilalang Ama ng Wikang Pambansa. Ayon kay Pangulong Manuel L. Quezon, ang wikang pambansa ay isa sa mga katibayan na dapat taglayin ng bawat malaya at nagsasariling bansa. Dahil dito ay nagsisikap tayo, hindi lamang sa pagpapayaman nito, ngunit maging mabisang kasangkapan sa pagpapalawak ng diwa at pagpapalaganap ng kultura. Ang pagka-Pilipino sa isip, ugali, damdamin at sa wika ang nagpapahayag ng mga kabuuan ng disiplinang Pilipino.
Matapat na hinangad ni Pangulong Quezon na magkaroon tayo ng isang wikang pambansa upang tumibay ang pagkakaisa at mapaalab ang pagmamahal sa bayan ng bawat mamamayang Pilipino.
-Clemen Bautista