Jeff Viernes vs Jai Reyes (PBA Images)
Jeff Viernes vs Jai Reyes (PBA Images)

Laro Ngayon (Ynares Sports Arena)

5:00 n.h. -- Go for Gold vs Chelu Bar

NATUTO sa naging karanasan sa nakaraang Aspirants Cup, sisikapin ng Chelu Bar and Grill na hindi masayang ang tangan na 1-0 bentahe sa 2018 PBA D-League Foundation Cup Finals series.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Hindi malilimutan ng Revellers ang nangyari sa kanila sa first conference kung saan nakauna sila sa Game 1 bago winalis ng Zark’s-Lyceum Jawbreakers sa sumunod na dalawang laro ng best-of-three series, para maging unang lowest-seeded team sa kasaysayan ng liga na nagwagi ng titulo.

Naniniwala si Revellers key player Jeff Viernes na natuto na ng kanilang leksyon ang koponan sa nasabing pagkabigo kaya tiyak na hindi sila magpapabaya sa muli nilang pagtutuos ng Go for Gold ngayong 5:00 ng hapon sa Game 2 ng best-of-5 series sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

“Alam na nila kung gaano kasakit na kahit nanalo ka ng Game One tapos matalo ng back-to-back games, tapos ‘di mo makuha ‘yung kampeonato. Alam na nila ‘yung feeling nun, at alam nilang ayaw din nila maulit ‘yun,” ani Viernes.

Sa nasabing kabiguan, hindi nakalaro si Viernes dahil kinuha sya noon ng GlobalPort Batang Pier sa PBA.

At ngayong nakabalik siya, hindi niya sasayangin ang tsansang tulungang manalo at pamunuan ang Chelu.“Siguro ‘yun ‘yung magiging factor ko ngayon. Minsan hindi talaga nagki-click yung mga ibang teammates ko, dun na ako para mag-step up and para i-lead sila.”

Bukod sa leadership ni Viernrs, umaasa si coach Stevenson Tiu na magpapakitang muli ng mahigpit na depensa ang Chelu.

“‘Yun nga ‘yung sinasabi ko eh, ‘yung determination namin na talagang kung gusto pala namin dumipensa, kayang-kaya namin. So dapat sa Game Two ma-carry over namin.

“Start pa lang ng first quarter dapat ganun na ka-intense ‘yung defense namin, para mas malaki ‘yung chance namin makuha ‘yung Game Two.”

Sa kabilang dako, nangako naman ang Scratchers na babawi sila sa Game 2, partikular ang ace guard nilang si Paul Desiderio mula sa 96-100 na pagkatalo noong Game 1.

“Game Two ibubuhos ko na rin kasi nahihiya na rin ako kay coach Charles [Tiu],” ani Desiderio. “Nagpaalam ako kay coach Bo [Perasol] na lalaro ako sa Finals, so ibibigay ko na kay coach Charles sa Game Two.” - Marivic Awitan